IBCTV13
www.ibctv13.com

P197.3-B pondo para sa rail transport program, isinusulong ng Marcos Jr. admin para sa 2027

66
Views

[post_view_count]

A train car for the North South Commuter Railway (NSCR) project is offloaded from a ship docked at the Port of Manila last Wednesday, August 26. (Photo courtesy of DOTr)

Naglaan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng P197.3 bilyong pondo para sa rail transport program ng bansa sa ilalim ng panukalang 2027 national budget ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.

Ito ay higit tatlong beses na mas mataas kumpara sa P55.34 bilyong pondo na alokasyon ngayong 2026.

Pinakamalaki ang pondong mapupunta sa North-South Commuter Railway (NSCR) na may P123.84 bilyon.

Ang NSCR ay sasakupin ang 37.75-kilometrong Tutuban-Malolos segment, 52.65-kilometrong extension mula Malolos, Bulacan patungong Clark, Pampanga, at 56.86-kilometrong extension mula Solis, Manila patungong Calamba, Laguna.

Samantala, P67.44 bilyon naman ang inilaan para sa Phase I ng Metro Manila Subway Project (MMSP), higit tatlong beses na mas mataas sa P20.39 bilyong pondong inilaan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).

Ang MMSP ang magiging kauna-unahang underground urban railway ng bansa, na may kabuuang 33 kilometrong haba at 17 istasyon na babagtas mula Valenzuela hanggang Bicutan.

Mayroon din itong spur line na mag-uugnay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Tampok din sa proyekto ang koneksyon sa iba pang pangunahing linya ng tren, kabilang ang MRT-3, MRT-7, LRT-1 at LRT-2.

Makokonekta rin ang MMSP sa NSCR sa Senate, FTI at Bicutan, na inaasahang magpapadali sa paglipat ng mga pasahero sa pagitan ng mga linya ng tren.

Kabilang pa sa popondohan sa panukalang 2027 rail budget ang P1.17 bilyon para sa LRT Line 1 Cavite Extension Project, MRT Line 3 Rehabilitation Project na may P1.94 bilyon, at para sa pansamantalang operasyon ng Common Station na mag-uugnay sa LRT-1, MRT-3 at MRT-7 sa EDSA at North Avenue.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), layunin ng mga proyekto na mapaikli ang oras ng biyahe ng mga komyuter, maibsan ang pagsisikip ng trapiko, at mapalapit ang mga Pilipino sa mga trabaho at oportunidad sa ekonomiya. VC