IBCTV13
www.ibctv13.com

P3.75-B pondo para sa mga cancer patient, inilaan ng Marcos Jr. admin sa 2027

120
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally visited the Philippine Children’s Medical Center in Quezon City to celebrate the Childhood Cancer Awareness Month on September 10, 2024. (File photo of PPA Pool)

Itinaas ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa P3.75 bilyon ang panukalang pondo para sa Cancer Assistance Fund (CAF) sa 2027, na inaasahang makapagbibigay ng hanggang P150,000 na tulong sa bawat isa sa tinatayang 25,000 cancer patient.

Nakapaloob ang panukalang pondo sa Fiscal Year (FY) 2027 National Expenditure Program (NEP), na kumakatawan sa P2.25 bilyong dagdag o 150% pagtaas, mula sa P1.50 bilyong inilaan sa CAF sa ilalim ng FY 2026 General Appropriations Act (GAA).

Mas malaki ito ng P2.50 bilyon o 200% kumpara sa P1.25 bilyong unang inilaan sa CAF sa panukalang 2026 budget.

Sa ilalim ng mas malaking alokasyon, target ng pamahalaan na mapalawak ang financial assistance para sa mga pasyenteng may cancer sa 36 na itinalagang cancer care access sites sa mga ospital na pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH) at mga lokal na pamahalaan.

Pinopondohan sa ilalim ng CAF ang cancer prevention services, screening, early detection, diagnosis, treatment, at iba pang pangangalaga sa pasyente.

Kabilang din dito ang mga kinakailangang diagnostic at laboratory procedure para sa cancer management.

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert De Leon, sa tulong ng dagdag na pondo ay mas maraming Pilipino ang makakapagpagamot nang hindi nababaon sa gastusin ang kanilang pamilya.

Kabilang sa mga cancer na binibigyang-pansin ang breast, lung, colorectal, at liver cancer.

Maaari namang makinabang sa programa ang mga kwalipikadong cancer patient, persons living with cancer, cancer survivor, at iba pang eligible beneficiaries.

Ang P3.75 bilyong CAF ay bahagi pa lamang ng panukalang FY 2027 NEP at kailangan pang talakayin at aprubahan ng Kongreso bago maging bahagi ng pinal na pambansang pondo. – VC