IBCTV13
www.ibctv13.com

P30.44-B pondo para sa irigasyon, isinusulong ng Marcos Jr. admin para sa 2027

101
Views

[post_view_count]

Water irrigation in Cagayan Valley. (File photo of PIA)

Target ng pamahalaan na dagdagan ang mga sakahang magkakaroon ng access sa irigasyon sa 2027.

Sa ilalim ng panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP), P30.44 bilyon ang inilaan para sa Irrigation Services Program ng National Irrigation Administration (NIA).

Gamit ang pondo, target ng NIA na magkaroon ng bagong irrigation service areas na sasaklaw sa 11,153 ektarya ng lupang sakahan sa buong bansa.

Mas mataas ito ng 29.4% kumpara sa 8,620 ektaryang target ngayong 2026.

Gayunman, mas maliit ang panukalang pondo para sa irigasyon sa 2027 kumpara ngayong 2026

Bumaba ito ng 4.85%, mula P31.99 bilyon patungong P30.44 bilyon sa 2027.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), hindi ibig sabihin nito na binabawasan ng pamahalaan ang suporta sa irigasyon.

Ipinaliwanag ng DBM na mas mababa ang pangangailangan sa pondo dahil inaasahang matatapos na pagsapit ng katapusan ng 2026 ang ilang kasalukuyang proyekto sa irigasyon.

Ibig-sabihin, maaari nang ilaan ang pondo sa mga bagong proyekto.

Sa kasalukuyan, tinitignan na ng pamahalaan ang paggamit ng solar irrigation bilang isa sa mga posibleng paraan para mapalakas ang irrigation projects ng NIA at suportahan ang mga magsasaka.

Samantala, tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palalakasin ng NIA ang mga irrigation system upang mapataas ang produktibidad sa agrikultura at masuportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka

Sa ilalim ng panukalang pondo, target ng NIA na masuplayan ng irigasyon ang 1.65 milyong ektarya sa ilalim ng National Irrigation Systems at 1.06 milyong ektarya sa ilalim ng Communal Irrigation Systems sa lahat ng cropping season. – VC