IBCTV13
www.ibctv13.com

P300-M pondo, ilalaan ng pamahalaan para sa pagkukumpuni ng dalawang gumuhong tulay sa Tarlac City – PBBM

299
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally inspected the ongoing repair works on Agana Bridge today, September 2, after it collapsed due to continuous heavy monsoon rains. (Photo courtesy of PCO)

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglalaan ang pambansang pamahalaan ng kabuuang P300 milyon para sa pagkukumpuni ng dalawang gumuhong tulay dahil sa bagyo at pagbaha na nanalasa sa Tarlac City.

Sinabi ito ng Pangulo matapos niyang inspeksyunin ang mga nasirang Aquino at Agana bridge sa lungsod ngayong araw, Setyembre 2.

Aniya, ido-download ang pondo sa lokal na pamahalaan ng Tarlac City upang mapabilis ang pagsasagawa ng repair works sa mga tulay.

“So, para maging mas mabilis ang trabaho, we will be downloading P300 million to the local government dahil ito ay local bridge. Kaya sila ang kailangan magtrabaho dito,” saad ng Pangulo.

Bukod dito, tutulong din ang pamahalaan sa mga teknikal na aspeto at iba pang pangangailangan para maisagawa agad ang pagkukumpuni.

“Of course, local government and the national government magtutulungan para maging mas mabilis,” ani Pangulong Marcos Jr.
Sa isinagawang inspeksyon sa Agana Bridge sa Romulo Boulevard, Brgy. Cut-Cut 1, inatasan ni Pangulong Marcos Jr. si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na agad simulan ang pagkukumpuni sa tulay.

Iniutos din ng lider ang pagtatayo ng bailey bridge bilang pansamantalang daanan habang isinasagawa ang repair works, na inaasahang matatapos at mai-install sa loob ng isang linggo.

Ang bailey bridge ay isang portable at prefabricated na tulay na maaaring mabilis na buuin at i-install upang magsilbing pansamantalang tawiran.

Target naman ng pamahalaan na maging passable sa mga sasakyan ang na-repair na tulay sa loob ng dalawang linggo.

Ayon sa Pangulo, unang papayagang dumaan ang maliliit na sasakyan na may bigat na 10 tonelada o mas mababa kabilang ang mga van. – IP