
Iminumungkahi ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itaas ang pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) patungo sa P33.285 bilyon para sa 2027.
Mas mataas ito ng P6.256 bilyon o 23.15% kumpara sa P27.028 bilyong panukalang pondo ng pamahalaan para sa programa ngayong 2026.
Bahagi ang alokasyon para sa Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances (PSIFDC) sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP).
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ang 23.15% na year-on-year increase ay batay sa paghahambing ng panukalang pondo ng Ehekutibo para sa AICS sa 2026 at 2027 NEP.
Sa kanyang FY 2027 budget message, iginiit ni Pangulong Marcos Jr. ang pagpapatibay ng mga social protection program upang matiyak na makatatanggap ng makabuluhang tulong ang mga mahihirap na Pilipino.
“We also continue to strengthen social protection programs to ensure that vulnerable Filipinos receive timely and meaningful government assistance,” ani Pangulo.
Partikular na binigyang-diin ng punong ehekutibo ang pagbibigay ng tulong sa tinatayang 4.6 milyong Pilipinong nakararanas ng kahirapan.
Saklaw ng programa ang pagbibigay ng tulong para sa pagkain, gamot, pagpapagamot, transportasyon, pagpapalibing, at iba pang emergency.
Gayunman, hindi pa pinal ang panukalang P33.285 bilyong pondo dahil daraan pa ito sa deliberasyon ng Kongreso bilang bahagi ng proseso ng pagbuo ng pambansang budget.
Bahagi rin ng 2027 NEP ang P241.6 bilyong panukalang pondo para sa DSWD, para sa pagpapatupaad ng iba’t ibang social protection services sa buong bansa.
Sa kabuuan, P2.456 trilyon ang inilaan ng pamahalaan sa social services sector sa ilalim ng panukalang P7.2 trilyong national budget para sa 2027.
Saklaw nito ang mga programa para sa edukasyon, kalusugan, social protection, employment, pabahay, at iba pang serbisyong panlipunan. – MP











