
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 118 na nagtatakda ng price ceiling na P50 kada kilo para sa imported na bigas sa buong bansa sa loob ng 30 araw.
Alinsunod sa rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPCC), layon ng batas na mapigilan ang pagtaas ng presyo ng imported rice, maiwasan ang pang-aabuso sa merkado, at matiyak ang abot-kayang suplay nito para sa mga mamimili.
Nakatakdang magsagawa ang NPCC ng regular na pagsusuri sa implementasyon ng price ceiling kada 15 araw at magrerekomenda sa Pangulo kung dapat itong ipagpatuloy, baguhin, o alisin batay sa umiiral na kondisyon ng merkado.
Sa ilalim ng batas, inaatasan ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na pangasiwaan ang mahigpit at pantay na pagpapatupad ng price ceiling, kabilang ang pagmo-monitor at pag-iimbestiga sa hindi normal na galaw ng presyo.
Ang Philippine Competition Commission, katuwang ang DTI at DA, ay magsasagawa ng kaukulang hakbang laban sa cartelization, abuse of dominance, at iba pang anti-competitive practices upang matiyak ang patas na kompetisyon sa merkado at maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili.
Samantala, magbibigay ng kinakailangang suporta ang Philippine National Police at iba pang law enforcement agencies upang matiyak ang agaran at epektibong pagpapatupad ng naturang kautusan. – VC











