IBCTV13
www.ibctv13.com

P69.9-B panukalang pondo, isinusulong ng pamahalaan para mapalakas ang produksyon ng bigas, kita ng mga magsasaka

175
Views

[post_view_count]

Farmers harvesting rice. (File photo DA)

Tinatayang P69.9 bilyon ang iminungkahing pondo ng gobyerno para sa tatlong pangunahing programa sa bigas sa 2027, na layong pataasin ang lokal na produksyon, palakasin ang kita ng mga magsasaka, at gawing mas abot-kaya ang bigas para sa mga Pilipino.

Batay sa 2027 National Expenditure Program, P29.9 bilyon ang inilaan para sa National Rice Program, P30 bilyon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), at P10 bilyon naman para sa Rice for All Program.

Sa ilalim ng National Rice Program, gagamitin ang P29.9 bilyon para sa pagbibigay ng dekalidad na binhi, farm inputs, extension services at makabagong teknolohiya para sa mga magsasaka.

Samantala, P30 bilyon ang iminungkahi para sa RCEF upang ipagpatuloy ang mga programang nakatuon sa pagpapataas ng produktibidad, kita, at competitiveness ng mga rice farmer.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12078, pinalawig ang RCEF hanggang 2031 at itinaas ang taunang pondo nito mula P10 bilyon tungo sa P30 bilyon.

Ang pondo ay nagmumula sa tariffs o buwis na nakokolekta mula sa imported na bigas.

Sa kabuuang P30 bilyon, P9 bilyon ang ilalaan para sa rice farm machinery at equipment sa pamamagitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization.

P6 bilyon naman ang mapupunta sa rice seed development, propagation at promotion sa pamamagitan ng Philippine Rice Research Institute.

Ang natitirang P15 bilyon ay gagamitin para sa rice training, financial at credit assistance, irigasyon, composting facilities, pagpapabuti ng soil health, pest at disease management, at iba pang programa para sa mga magsasaka.

Samantala, P10 bilyon ang iminungkahi para sa Rice for All Program, na nakatuon sa pagpapalawak ng access ng mga Pilipino sa abot-kayang bigas.

Sa ilalim ng programa, ipamamahagi ang murang bigas sa pamamagitan ng mga KADIWA Center at iba pang accredited facilities sa buong bansa.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ipinapakita ng kabuuang panukalang pondo ang three-pronged approach ng pamahalaan sa rice security: pagpapataas ng lokal na produksyon ng bigas, pagpapalakas sa mga magsasaka, at paglalapit ng abot-kayang bigas sa mga mamimili.

Sa 2027 budget message, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagpapalakas sa kabuhayan ng mga magsasaka at iba pang food producers bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na makamit ang food security.

Aniya, ang mga hakbang ng gobyerno para sa sektor ng agrikultura ay isang pamumuhunan sa food security, rural development, economic resilience at kapakanan ng mga Pilipino.

“The strength of our nation begins with the strength of those who cultivate our land and harvest our seas. Every decision we make in agriculture is an investment toward advancing food security, rural development, economic resilience, and our people’s well-being,” giit ng Pangulo. – IP