
Isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang P74.45 bilyong pondo para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Sa kabuuang halaga, P19 bilyon ang nakalaan para sa pagpapahusay ng mga benepisyo ng PhilHealth at iba pang prayoridad na interbensyon sa kalusugan.
Kabilang dito ang mga programang para sa mental health, severe malnutrition, at tulong para sa mga ospital na pinamamahalaan ng mga lokal na pamahalaan.
Bahagi rin ng panukalang pondo ang premium subsidies ng gobyerno para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng PhilHealth.
Tinatayang 11.09 milyon na benepisyaryo ang target na mabigyan ng subsidy sa susunod na taon, mas mataas kumpara sa humigit-kumulang 10.65 milyon ngayong 2026.
Kasabay nito, inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P10.377 bilyon para sa pagpapatupad ng Zero Balance Billing (ZBB) sa mga pampublikong ospital.
Sa halagang ito, P9.377 bilyon ang inilaan para sa mga ospital ng Department of Health (DOH) sa buong bansa, habang P1 bilyon naman ang para sa anim na pilot local government unit (LGU) hospitals sa Benguet, Batangas, Laguna, Quezon, Aklan, at Sarangani.
Naglaan din ang DBM ng P800 milyon para sa ZBB sa Philippine General Hospital (PGH).
Layunin ng ZBB na mabawasan o maalis ang bayarin ng mga kwalipikadong pasyente sa mga pampublikong ospital.
Binigyang-diin ni DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon na dapat direktang nararamdaman ng mga Pilipino ang epekto ng pondong inilalabas ng pamahalaan para sa kalusugan.
“This P10.377-billion release is about making sure that when our people get sick, the government is there to help carry the burden,” ani De Leon.
Ang panukalang P74.45 bilyong pondo para sa PhilHealth ay bahagi pa lamang ng kabuuang P353.8 bilyong alokasyon ng gobyerno sa health sector sa 2027.
Kailangan pa itong dumaan sa deliberasyon at pag-apruba ng Kongreso bago maging bahagi ng pinal na pambansang budget para sa susunod na taon. – IP











