
Muling ginawaran ng Commission on Audit (COA) ang Pag-IBIG Fund ng unmodified opinion, ang pinakamataas na audit opinion ng ahensya, na nagmarka sa ika-14 na magkakasunod na taon ng pagtanggap ng institusyon sa naturang pagkilala.
Sa liham ng COA, sinabi ng state auditors na patas at naaayon sa umiiral na pamantayan sa financial reporting ang presentasyon ng financial statements ng Pag-IBIG Fund para sa mga taong nagtapos noong Disyembre 31, 2025 at 2024.
Ang unmodified opinion ay nangangahulugang ang financial statements ng Pag-IBIG Fund ay naipakita nang patas at wasto, alinsunod sa umiiral na mga pamantayan sa financial reporting.
Saklaw ng COA report ang audited financial statements ng Pag-IBIG Fund, audit observations at recommendations, gayundin ang estado ng pagpapatupad ng mga rekomendasyong inilabas sa mga nakaraang audit.
Ayon kay Department of Human and Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, na siya ring chairperson ng 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees, nagpapatunay ang pinakahuling audit opinion ng COA sa matatag na pamamahala, transparency, at pananagutan ng ahensya sa paghawak ng pondo ng mga miyembro.
“This latest recognition from COA affirms that Pag-IBIG Fund continues to uphold the highest standards of professionalism, prudence, and integrity in managing the hard-earned savings of Filipino workers. It also shows that strong governance enables Pag-IBIG Fund to remain financially sound and responsive to the needs of its members,” ani Aliling.
Mula 2012 hanggang 2017, nakatanggap ang Pag-IBIG Fund ng unqualified opinions mula sa COA, habang unmodified opinions mula 2018 hanggang 2025.
Dahil dito, kabilang na ang ahensya sa mga piling government agencies at government-owned and controlled corporations (GOCCs) na nakapagpanatili ng mahigit isang dekadang mataas na antas ng fiscal discipline, transparency, at accountability.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, mahalaga ang kanilang natanggap na audit opinion dahil kasabay ito ng patuloy na matatag na performance ng ahensya hanggang ngayong 2026.
“This 14th consecutive unmodified opinion from COA affirms that we achieved these strong results while upholding the highest standards of integrity, accountability, and transparency in public service,” ani Acosta.
Tiniyak nito na magpapatuloy ang Pag-IBIG Fund sa pagpapalawak ng mga programang tutulong sa mga miyembro na mapalago ang kanilang ipon, magkaroon ng access sa abot-kayang cash loans, at makamit ang pangarap na magkaroon ng sariling bahay sa pamamagitan ng housing loan programs, kabilang and Expanded 4PH ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“This recognition assures our members that their savings are safe, protected, and responsibly managed. It also inspires us to work even harder to deliver programs and services that help Filipino workers save more, earn more, and achieve their dream of homeownership,” ayon kay Acosta. – VC











