IBCTV13
www.ibctv13.com

Pag-IBIG Fund, pinapanatiling abot-kaya ang housing loans sa kabila ng inaasahang pagtaas ng lending rates

237
Views

[post_view_count]

Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH). (File photo of DHSUD)

Patuloy na pinapanatili ng Pag-IBIG Fund ang mababang interest rates sa housing loans upang manatiling abot-kaya ang pagkuha ng sariling bahay ng mga manggagawang Pilipino, sa kabila ng inaasahang pagtaas ng commercial loans.

Bahagi ito ng pagsuporta ng ahensya sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“With commercial housing loans expected to become more expensive, the Pag-IBIG Housing Loan becomes all the more important in helping Filipino workers continue with their plans to own a home,” ayon kay Department of Human and Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling.

Kabilang sa mga hakbang ng Pag-IBIG ang subsidized interest rate na 3% para sa mga kwalipikadong borrower ng socialized housing.

Para naman sa mga bibili ng bahay na lampas sa socialized housing ceiling, maaaring makakuha ng promotional rate na 4.5% para sa housing loans na hanggang P4.9 milyon, habang 5.75% naman ang rate para sa mga loan na higit P4.9 milyon hanggang P10 milyon.
Ayon kay Aliling, makatutulong ang mga ito para mas maraming manggagawa ang makabili ng bahay na pasok sa kanilang budget.

Kaugnay nito, sinabi ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Office Marilene Acosta na pinalalawak din ng ahensya ang pakikipagtulungan nito sa mga residential developer upang madagdagan ang mga housing options ng mga miyembro.

Kabilang sa mga bagong partner ng ahensya ang Avida Land Corp. at Amaia Land Corp., mga residential brand ng Ayala Land.

Dagdag ito sa halos 500 accredited housing developer ng Pag-IBIG sa buong bansa.

Ayon kay Acosta, nakatutulong ang affordable financing upang mapanatili ang demand para sa mga bahay at masuportahan ang aktibidad sa housing industry.

Dagdag pa niya, nananatiling matatag ang pananalapi ng Pag-IBIG dahil sa maingat na pamamahala ng ahensya sa savings ng mga miyembro.

Sa unang pitong buwan ng 2026, umabot sa P127.29 bilyon ang savings ng mga miyembro, 35% mas mataas kaysa sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Umabot naman sa P60.80 bilyon ang nakolektang housing loan payments, habang P84.36 bilyon ang housing loans na inilabas ng ahensya.

Nakalikha ito ng financing para sa 52,374 bahay, 13% mas mataas kumpara noong 2025.

Umabot din sa P8.17 bilyon ang housing loans para sa 7,803 units, na katumbas ng 119% pagtaas sa loan value at 131% pagtaas sa bilang ng mga bahay na napondohan. – VC