
Bahagyang bumaba ang headline inflation sa bansa sa 6.1% noong Agosto, mula sa 6.2% noong Hulyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa Consumer Price Index (CPI) report na inilabas ng PSA ngayong araw, Setyembre 4, pangunahing dahilan sa bahagyang pagluwag ng price pressures ang pagbagal ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain.
Bumaba sa 4.6% ang food inflation noong Agosto mula sa 5.2% noong Hulyo.
Bahagya ring bumagal ang inflation sa housing, water, electricity, gas, at iba pang fuels, na naitala sa 7.9% noong Agosto kumpara sa 8.2% noong nakaraang buwan.
Ayon kay Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, nagbibigay ng kumpiyansa sa pamahalaan ang pag-moderate ng inflation sa ilang pangunahing sektor.
“While the overall figure remained stable, the moderation in key drivers such as food inflation gives us confidence that we are moving in the right direction,” ani Balisacan.
Kaugnay nito, patuloy na nagpapatupad ang pamahalaan ng mga targeted intervention sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) upang matulungan ang mga sektor na higit na apektado ng inflation.
Kabilang dito ang pagpapalawak ng access sa murang pagkain sa pamamagitan ng mahigit 700 KADIWA outlets sa buong bansa, pamamahagi ng libreng bigas sa mahigit 2.5 milyong Pilipino sa ilalim ng “Bawat Bayan Makikinabang” program, at pagbibigay ng fuel assistance sa mga transport group.
Samantala, patuloy ang pag-update ng Department of Agriculture (DA) sa El Niño response plan nito, na nakatuon sa suporta sa patubig, input assistance, inventory monitoring, at napapanahong market interventions upang makatulong sa pagpapatatag ng presyo ng pagkain sa gitna ng banta ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Balisacan, nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagpapanatili ng long-term price stability sa pamamagitan ng pagpapalakas ng food security, pagpapahusay ng logistics, at pagbibigay ng targeted support sa mga vulnerable sector.
“These are not short-term fixes; they are investments in a more resilient economy capable of withstanding future disruptions,” ani Balisacan. – VC











