
Inilarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang apat na araw na state visit sa Japan bilang “highly productive and constructive” matapos masungkit ang tagumpay sa larangan ng ekonomiya, estratehiya, at diplomasya na higit pang nagpatibay sa ugnayan ng dalawang bansa.
Ayon sa Pangulo, mas naging makahulugan ang kanyang pagbisita hindi lamang dahil sa paggunita sa pitong dekadang pagkakaibigan, kundi nagsilbi rin itong pagkakataon para pagplanuhan ang bilateral na relasyon ng Pilipinas at Japan sa hinaharap.
Kabilang sa mahahalagang bahagi ng state visit ng Pangulo ang pakikipag-usap nito kina Japanese Emperor Naruhito at Empress Masako, na muling nagpatunay sa matibay na pagkakaibigan at mabuting samahan ng mga Pilipino at Hapones.
Nagkasundo rin sina Pangulong Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na itaas ang antas ng relasyon ng Pilipinas at Japan mula sa Strengthened Strategic Partnership tungo sa Comprehensive Strategic Partnership.
Ilang mahahalagang kasunduan din ang nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Japan, kabilang ang landmark agreement para maiwasan ang double taxation na layong humikayat ng mas maraming pamumuhunan.
Bukod dito, lumagda rin ang dalawang panig sa mga kasunduang may kaugnayan sa agrikultura at pangisdaan, serbisyong pangkalusugan, at pagpapaunlad ng yamang-tao.
Sa usapin naman ng depensa at seguridad, pormal ding inanunsyo ng Pilipinas at Japan ang pagsisimula ng negosasyon para sa General Security of Military Information Agreement (GSOMIA) at maritime boundary delimitation.
Sa ilalim ng bagong bagong format ng strategic engagement, nakipagpulong din ang Pangulo sa mga kilalang business leaders sa Japan kung saan nakalikom ito ng humigit-kumulang US$3.4 bilyong halaga ng pangakong pamumuhunan.
Hindi pa rito nagtatapos ang nakuhang investment pledges ng lider dahil nangako rin ang Furukawa Electric Corporation, Sumitomo Electric Industries, MinebeaMitsumi Inc., at Tsuneishi Group Corporation na palalawakin pa ang kanilang operasyon sa bansa.
Nagkakahalaga ito ng P56.3 billion at inaasahang lilikha ng nasa 10,300 direc at indirect jobs para sa mga Pilipino.
Sa huli, kinumusta ni Pangulong Marcos Jr. ang Filipino community sa Japan kung saan kinilala at pinasalamatan niya ang mahalagang ambag ng tinatayang 330,000 Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa nasabing bansa.











