IBCTV13
www.ibctv13.com

Pagpapalakas ng kooperasyon at seguridad sa enerhiya, sentro ng Japan state visit ni PBBM sa Mayo 26-29

92
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr., and Japanese Prime Minister Sanae Takaichi. (Photo courtesy of PCO)

Sa layuning matiyak ang seguridad sa suplay ng enerhiya sa gitna ng umiiral na pandaigdigang tensyon, palalakasin pa ng Pilipinas ang pakikipagtulungan sa Japan sa nakatakdang state visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa nasabing bansa sa darating na Mayo 26-29.

Sa panayam ng Japanese media sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na malaki ang naitulong ng Japan sa Pilipinas sa paghahanap ng iba’t ibang solusyon tungo sa pagsiguro ng sapat na suplay sa petrolyo, at aniya’y naging mahalagang bahagi ng polisiya ng pamahalaan.

Partikular na binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang mahalagang papel ng Japan sa energy security sa 48th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Cebu, kung saan tinalakay ang mga hakbang upang matiyak ang suplay ng kuryente at langis sa rehiyon.

Kabilang dito ang pagtatatag ng oil reserve at common power grid para sa mga bansang kasapi ng ASEAN.

Sinabi rin ng Pangulo na nag-alok ang Japan ng response mechanism na magbibigay ng hanggang $10 bilyong ayuda sa ilalim ng Partnership on Wide Energy and Resources Resilience (POWERR Asia) na inilunsad ni Prime Minister Sanae Takaichi noong Abril.

Layunin ng programa na tulungan ang mga bansang Asyano sa pagsiguro ng crude oil supply, pagpapalakas ng supply chain, at pagbuo ng sustainable at zero-emission energy systems.

Ayon sa Pangulo, marami nang hakbang ang isinagawa sa loob ng ASEAN, tulad ng bilateral cooperation ng iba’t ibang bansa sa rehiyon at ang inaasahang pagpapatatag pa sa mga inisyatibong sinimulan sa panahon ng krisis.

Kaugnay nito, binigyang-diin din ni Pangulong Marcos Jr. na maaaring magtulungan ang Pilipinas, ASEAN, at Japan upang mapabilis ang paggamit ng renewable energy bilang proteksyon mula sa epekto ng geopolitical tensions sa suplay ng enerhiya. – MP

Related Articles