IBCTV13
www.ibctv13.com

Pagpili sa mga benepisyaryo ng 4Ps, ‘di pinanghihimasukan ng mga politiko – DSWD chief

Ivy Padilla
85
Views

[post_view_count]

Oath-taking ceremony of 78 newly enrolled 4Ps members in Castilla, Sorsogon, held on April 30. (File photo from DSWD)

Muling iginiit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na walang panghihimasok ng mga politiko ang pagpili ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng ahensya.

Paliwanag ni Gatchalian, tanging ang Philippine Statistics Authority (PSA), sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS), ang maaaring magbigay ng listahan na magiging batayan sa pagpili ng mga benepisyaryo ng 4Ps.

“Ang listahan po ng 4Ps ay nanggagaling sa PSA. Mayroon po silang survey na nagsasabi kung sino ang mga mahihirap nating mga kababayan na may mga anak at dapat ipasok sa programa,” ani Gatchalian.

Para sa taong 2026, nakasaad sa CMBS na humigit-kumulang 493,000 pamilya mula sa mahihirap na kabahayan ang inaasahang mairerehistro bilang mga bagong benepisyaryo ng 4Ps.

Mahigit 1.6 milyong benepisyaryo na sa buong bansa ang nagtapos sa programa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos matukoy bilang “self-sufficient families”. – VC