
Target ng Energy Regulatory Commission (ERC) na maipatupad sa Oktubre ang pagtanggal ng Value-Added-Tax (VAT) sa system loss charge sa kuryente, ayon kay Chairperson Atty. Francis Saturnino Juan.
Sa panayam sa “Boses” ng Radyo Pilipinas, sinabi ni Juan na maaaring maramdaman ang implementasyon sa billing cycle ng Oktubre, kung agad na ma-a-update ng mga distribution utility at iba pang electric utilities ang kanilang billing format.
Ito ay kasunod ng paglalabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 97-2026 noong Lunes, Setyembre 14.
“Target natin is as early as next month of October, dahil napabilis ‘din yung paglalabas ng BIR [Memorandum Circular],” ayon sa opisyal.
Sa ilalim ng kautusan, kinikilala ng BIR ang allowable system loss charge na pasok sa cap na itinakda ng ERC bilang government-mandated pass-through cost.
Dahil dito, hindi na papatawan ng output VAT at creditable withholding tax on VAT ang naturang charge.
Magreresulta ito ng mas mababang electricity bill ng mga konsyumer.
Tuloy-tuloy naman ang pag-aaral ng ERC at Department of Energy para sa tuluyang pagtanggal ng system loss charge sa singil sa kuryente alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.
“Ito’y pinag-aaralan ng Department of Energy, at kami naman din sa ERC ay kasama sa mga pag-uusap, kung paano ito utay-utayin na mapababa hanggang sa tuluyan na itong mawala,” ani Juan.
Hihingi ang ERC ng gabay mula sa BIR tungkol sa tamang paraan ng pagkukuwenta sa pagtanggal ng VAT sa system loss charge.
Ipinaliwanag ni Juan na hindi simpleng pagtanggal lamang ng VAT sa billing statement ang proseso dahil dumadaan ang kuryente mula sa mga generator patungo sa transmission at distribution utilities bago makarating sa mga konsyumer. – VC











