
Magsisimula na ngayong taon ang pagtatayo ng mga Ligtas Pinoy Centers sa bansa bilang bahagi ng pagpapalakas ng pamahalaan sa kahandaan sa kalamidad, ayon sa ulat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Sinabi ng Pangulo na uunahin ang pagpapatayo nito sa mga lugar na madalas tamaan ng matitinding kalamidad, kabilang ang Bicol, Eastern Samar, Bukidnon, at Davao de Oro.
Sa bisa ng nilagdaang Ligtas Pinoy Centers Act (Republic Act No. 12076) noong Disyembre 2024, ang mga gusali ay idinisenyo upang makayanan ang mga super typhoon na may lakas ng hanging hanggang 340 kilometro kada oras at lindol na may lakas na magnitude 8.4.
Malugod namang tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Canlaon City sa Negros Oriental ang pahayag ng Pangulo, na anila’y higit na magpapalakas sa kakayahan ng lungsod sa pagtugon sa mga sakuna at emergency.
Ayon kay Canlaon City Public Information Officer-designate Seth Bariga, makatutulong ang mga programang inilatag ng Pangulo sa SONA upang mapalawak ang access ng mga mamamayan sa government interventions at higit pang mapahusay ang paghahanda sa kalamidad.
Binanggit ng alkalde ang sunod-sunod na kalamidad na naranasan ng lungsod, kabilang ang pagputok ng Bulkang Kanlaon at ang pananalasa ng Super Typhoon Tino na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Canlaon City.
Bagama’t agad nakapamahagi ng relief at rehabilitation assistance ang pambansang pamahalaan matapos ang mga kalamidad, sinabi ni Bariga na kinakailangan pa rin ang karagdagang matitibay na imprastraktura at paghahanda, lalo na kung itataas sa Alert Level 4 ang status ng bulkan.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng Pangulo na ang tibay ng itatayong Ligtas Pinoy Centers ay dapat magsilbing pamantayan sa lahat ng pribadong imprastraktura sa bansa upang manatiling matatag laban sa anumang banta ng sakuna at kalamidad.
“Dapat ganoon din ang taas ng kalidad at tibay ng lahat ng mga pribadong imprastraktura. Ang lahat ng gusali sa ating bansa ay dapat handa at kayang manatiling matatag at nakatindig laban sa anumang banta ng sakuna at kalamidad,” ani Pangulo.
Nagpasalamat naman si Bariga kay Pangulong Marcos Jr. sa pagbibigay prayoridad sa disaster preparedness at nagpahayag ng pag-asang lalo pang mapapalakas ng mga karagdagang resilient infrastructure ang kaligtasan at seguridad ng mga residente.
Kasabay nito, ipinanawagan din niya na maamyendahan ang National Building Code upang maiayon ang construction requirements sa bansa sa modern engineering at disaster resilience standards.
“Kaya akma lamang na bigyang-halaga at pagtuunan ang pag-amyenda ng National Building Code upang maging alinsunod ito sa mga modernong pamantayan,” ayon sa Pangulo. – VC











