
Tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang mga ahensya ng pamahalaan sa posibleng epekto ng Super Typhoon Rosal sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Health (DOH).
Sa press briefing ngayong Miyerkules, Oktubre 21, sinabi ni Palace Press Officer na nagkakaisa na ang mga kinauukulang ahensya upang maipatupad ang mga kinakailangang paghahanda at pag-iingat laban sa mga posibleng panganib na dulot ng bagyo.
May kabuuang 4.5 milyong family food packs (FFPs) ang DSWD na naka-preposition sa mga warehouse nito sa buong bansa gaya ng Luzon Disaster Resource Center sa Pasay City.
Samantala, itinaas na ng Office of Civil Defense (OCD) sa Blue Alert ang alert status ng mga regional disaster risk reduction and management council nito.
Patuloy naman na pinaiigting ng DPWH ang implementasyon ng Oplan Kontra Baha, kabilang ang pagsasagawa ng dredging at paglilinis sa mga lugar na madalas bahain, gayundin ang regular na maintenance ng mga pumping station.
Batay sa 2 p.m. weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang magiging pinakamalapit ang bagyo sa Extreme Northern Luzon sa pagitan ng Huwebes hanggang hapon ng Biyernes (Oktubre 22-23) bago lumabas sa Philippine Area of Responsibility ng gabi o madaling araw ng Sabado, Oktubre 24.
Pinapayuhan ng Palasyo ang mga residente, lalo na ang mga nasa lugar na posibleng maapektuhan, na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga abiso ng mga awtoridad hinggil sa galaw ng bagyo.
“Kung ang lugar ninyo ay makararanas ng pag-ulan, baka may pagkakataong mag-ipon ng tubig kung kayo ay nakakaranas ngayon ng tagtuyot. Magandang pagkakataon ito ngunit ipagdasal natin na tamang lakas [lang] para maibsan lamang ang epekto ng El Niño,” ani Castro. – VC











