
Pinulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga miyembro ng gabinete upang plantsahin ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa inaasahang matinding epekto ng El Niño sa bansa.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, tinalakay sa pagpupulong ang mga agarang magiging tugon ng gobyerno upang mabawasan ang pinsalang maaaring idulot ng matinding tag-init sa mamamayan at ekonomiya.
“Nagkaroon kami ng pagpupulong, ang Pangulo… Pinag-aaralan na rin natin ‘yung response ng ating pamahalaan pagdating sa El Niño. Dahil, we might have a severe El Niño,” pahayag ni Recto.
Tiniyak ng kalihim na kabilang sa sinusuri ng pamahalaan ang mga naging hakbang noong mga nakaraang panahon ng El Niño upang matukoy kung alin sa mga ito ang naging epektibo at maaaring muling ipatupad.
“So we looked at the past, what did government do, what worked. And nagpaplano na tayo diyan para maibsan ‘yung epekto ng El Niño sa ating lahat,” ani Recto.
Batay sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), may 79% posibilidad na maranasan ng bansa ang El Niño mula Hunyo hanggang Agosto ngayong taon at maaari itong tumagal hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Dahil dito, hinimok ng PAGASA ang publiko at mga local governmet unit na paigtingin ang mga hakbang upang makatipid sa paggamit ng tubig. – VC











