
Magsisilbing malaking oportunidad ang planong Pax Silica para mapalakas ang industriyalisasyon ng Pilipinas at maiangat ang manufacturing sector sa mas mataas na antas ng global value chain, ayon kay Federation of Philippine Industries (FPI) President Elizabeth Lee.
Sa panayam sa FPI official, sinabi ni Lee na mahalagang mapalawak ng bansa ang manufacturing dahil nananatiling consumption-driven ang ekonomiya ng Pilipinas o nakaasa sa paggastos ng mga consumer.
“We are a consumer-based economy. So we need to actually have industrialization and more higher value manufacturing,” ani Lee.
Sa ilalim ng Pax Silica, maaaring manguna sa pagproseso ang bansa ng mga critical mineral sa halip na mag-angkat lang ng raw materials.
Kabilang dito ang nickel, copper, at cobalt, na maaaring gawing mas mataas na halaga ng inputs para sa iba pang industriya.
Halimbawa, maaaring iproseso ang nickel bilang battery chemicals, copper bilang electrical components, at cobalt bilang battery materials na maaaring gamitin sa paggawa ng mga baterya, chips, electronics, at iba pang manufactured goods.
“The objective is actually to have higher value manufacturing. And that is critical for the growth of our country,” saad ni Lee.
Maliban sa manufacturing, maaaring makinabang mula sa proyekto ang construction, infrastructure, logistics, at iba pang support services dahil kakailanganin ang mga ito sa pagtatayo at operasyon ng industrial ecosystem.
Gayunman, sinabi ni Lee na kailangan pang linawin ang ilang mahahalagang usapin tungkol sa Pax Silica, kabilang ang suplay ng kuryente, tubig at water security, pati na ang environmental safeguards.
Para matiyak na maayos ang pagpapatupad, iminungkahi niya ang mas mahigpit na koordinasyon ng gobyerno at pribadong sektor, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Energy (DOE), at Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).
“I think we already have some guidelines but if we have a little bit more information then I think people can understand that this might be a very good opportunity for the Philippines to finally move up the value chain and industrialize,” ani Lee. – VC











