
Nagpaabot ng pagbati si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Iglesia ni Cristo (INC) sa pagdiriwang nito ng ika-112 anibersaryo ngayong araw, Hulyo 27, at kinilala ang mahigit isang siglong ambag nito sa pagsusulong ng pananampalataya, disiplina, at paglilingkod sa lipunan.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ng Pangulo na kaisa ng pamahalaan ang mga organisasyong nagpapatibay sa pamilya, nagtataguyod ng kapayapaan, at nagpapalawak ng malasakit sa kapwa sa buong bansa.
“I extend my warmest greetings to the Iglesia ni Cristo as you commemorate your 112th Anniversary. For more than a century, the INC has served as a guide to a community grounded in faith, discipline, and a shared sense of responsibility,” ani Pangulo.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang paglago ng INC mula sa tinawag niyang “humble beginnings” tungo sa pagiging isang institusyon na may presensya sa iba’t ibang komunidad sa buong mundo.
Hinikayat naman niya ang mga miyembro na ipagpatuloy ang kanilang misyon ng paglilingkod sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan, pagdamay sa mga nahihirapan, at pagsusulong ng pagkakaisa sa mga pamayanang kanilang pinaglilingkuran.
Kasabay nito, nanawagan ang Pangulo sa INC na manatiling katuwang ng pamahalaan sa pagsusulong ng adhikaing Bagong Pilipinas.
“In this spirit, encourage every member of the INC to remain a steadfast partner in nation-building, where faith is demonstrated through service and citizenship is expressed through genuine concern for others,” ani Pangulo.
Sa huli, sinabi ng Pangulo na umaasa siyang magsisilbing inspirasyon ang pagdiriwang ng anibersaryo upang higit pang mapalalim ang pagtupad ng simbahan sa misyon nito para sa kapakanan ng lipunan.
“May this celebration also inspire renewed reflection on your calling as we continue building the pillars of our Bagong Pilipinas. Mabuhay ang INC!,” ani Pangulo. – VC











