IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, binigyang-diin ang abot-kamay na hustisya para sa mga Pilipino sa inagurasyon ng Sulu Hall of Justice

74
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the inauguration and turnover of the Sulu Hall of Justice in Brgy. Bangkal, Jolo, Sulu today, October 20. (Screengrab from RTVM)

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsusulong ng accessible na hustisya para sa bawat Pilipino sa inagurasyon at turnover ceremony ng Sulu Hall of Justice sa Brgy. Bangkal, Jolo, ngayong Martes, Oktubre 20.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng bagong pasilidad sa pagpapalapit ng legal services sa mga mamamayan, pagpapabilis ng pagresolba sa mga kaso, at pangangalaga sa kanilang mga karapatan.

“It makes the justice system more accessible to our people, providing a place where their rights can be upheld, their grievances heard, and their disputes resolved under the rule of law,” ani Pangulong Marcos Jr.

Ayon sa Pangulo, bahagi ang pagtatayo ng pasilidad ng patuloy na pagsisikap ng hudikatura na pahusayin ang paghahatid ng mga serbisyo at isulong ang modernisasyon ng justice system sa bansa.

Binanggit din ng Pangulo ang Katarungan Office ng Department of Justice (DOJ) sa Zamboanga City, na inilunsad noong Hulyo at nakapagsilbi na sa 8,200 indibidwal.

Sa kanyang mensahe, tiniyak ng Pangulo ang tuluy-tuloy na paghahatid ng judicial services at iba pang pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa Sulu sa gitna ng transisyon ng lalawigan mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) patungo sa Region IX.

Tiniyak ng Pangulo na tinututukan ng pamahalaan ang maayos na transisyon ng Sulu sa Region IX, kabilang ang maayos na pagpapatuloy ng trabaho ng mga guro at iba pang kawani ng pamahalaan sa bagong setup.

Ani Pangulong Marcos Jr, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa Department of Budget and Management (DBM) para sa paglikha ng mga plantilla position upang matiyak na mapangangalagaan ang kapakanan ng mga kawani sa panahon ng transisyon.

Tiniyak din ng Pangulo na mananatiling tuluy-tuloy ang operasyon ng mga ospital at ang paghahatid ng mga serbisyong medikal sa lalawigan.

“Hindi kayo pababayaan ng administrasyong ito. Patuloy tayong magtutulungan upang maging maayos ang transisyon, mapangalagaan ang kapakanan ng ating mga kawani, at higit sa lahat, masiguro na walang serbisyong mapuputol at walang mamamayang maiiwanan,” saad ng Pangulo.

Sa huli, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan, mga katuwang na sektor, at mga komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Sulu kalakip ang matatag na suporta ng sangay ng ehekutibo.

“Para naman sa ating mga kababayan dito sa Sulu: Hangad po namin na mapakinabangan ninyo ang mga serbisyo at oportunidad na handog ng pamahalaan,” ani Pangulo. – VC