IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, byaheng India para dumalo sa BRICS Summit mula Setyembre 12-13

108
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. and First Lady Liza Araneta-Marcos on their way to India for a state visit on August 4, 2025. (Photo courtesy of PBBM/Facebook)

Nakatakdang bumisita sa New Delhi, India sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos mula Setyembre 12-13 upang dumalo sa 18th BRICS Summit sa imbitasyon ni Indian Prime Minister Narendra Modi.

Inanunsyo ito ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Analyn Ratonel sa press briefing sa Malacañang ngayong Miyerkules, Setyembre 9.

Dadalo ang Pangulo sa summit bilang chairperson ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong 2026.

Ayon kay Ratonel, gagamitin ng Pangulo ang pagdalo upang isulong ang mga pangunahing prayoridad ng ASEAN, kabilang ang usapin sa kapayapaan, seguridad, pagpapalakas sa mamamayan, at kaunlaran.

“Through this visit, the President seeks to ensure that our modern partnerships remain open, resilient, and capable of delivering prosperity to our people,” ani Ratonel.

Pagkakataon din aniya ang pagtitipon upang mapalakas ng Pilipinas at ASEAN ang ugnayan sa mga pangunahing bansa na may lumalagong ekonomiya at mapalawak ang kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, seguridad sa rehiyon, at climate resilience.

“Creating synergies doon sa priorities ng ASEAN and BRICS can lead to economic opportunities, trade diversification, regional security, and support for climate resilience,” ayon pa kay Ratonel.

Ang BRICS ay grupo ng mga bansang may umuusbong na ekonomiya, na orihinal na binubuo ng Brazil, Russia, India, China, at South Africa, at kalaunan ay pinalawak sa paglahok ng iba pang mga bansa.

Sa sidelines ng summit, inaasahang makikipagpulong din si Pangulong Marcos Jr. kay Modi upang talakayin ang progreso sa Philippines-India Strategic Partnership at pagsusuri sa pagpapatupad ng limang taong Plan of Action para sa 2025-2029.

Pag-uusapan din ng dalawang lider ang mga isyung pang-ekonomiya na kapwa mahalaga sa Pilipinas at India.

Makikipagpulong din ang Pangulo sa mga Indian business leader upang palakasin ang kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng dalawang bansa.

Kasama ng Pangulo sa byahe sina Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro, Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda, at Department of Finance (DOF) Secretary Frederick Go. MP