IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM: Halos 600,000 housing units, naipamahagi sa mga Pilipino sa tulong ng 4PH program

92
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the ceremonial turnover of 333 housing units in Disiplina Village Arkong Bato, in Valenzuela City today, September 15. (Photo courtesy of PCO)

Masayang ibinalita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na umabot na sa halos 600,000 housing units ang naipamahagi sa buong bansa sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program mula nang magsimula ito noong Hulyo 2022.

Ito ang inanunsyo ng Pangulo matapos niyang pangunahan ang pamamahagi ng housing unit certificates sa 333 benepisyaryo ng Disiplina Village Arkong Bato sa Valenzuela City ngayong Martes, Setyembre 15.

Ayon sa Pangulo, patuloy na nagtutulungan ang national government, local government units (LGUs), mga komunidad, at pribadong sektor upang mabawasan ang kakulangan sa pabahay sa bansa.

“Gaya ng sinabi ko noong nakaraang SONA, puspusan nating pinupuno ang kakulangan sa pabahay,” saad ng Pangulo.

Sa ilalim ng programa, binibigyan ng ligtas at maayos na tirahan ang mga pamilyang mababa ang kita, lalo na ang mga informal settler na nakatira sa mga lugar na delikado sa baha at iba pang panganib.

Ayon sa Pangulo, makatutulong ang mga bagong pabahay para mas maging ligtas ang mga pamilya, habang nananatili silang malapit sa mga pangunahing serbisyo tulad ng opsital at paaralan.

Hinimok naman ng Pangulo ang mga benepisyaryo na alagaan ang kanilang mga bagong tahanan at gamitin ang mga ito bilang pundasyon para sa kinabukasan ng kanilang mga pamilya.

“Nawa’y sa mga tahanang ito ay mapalaki ninyo nang maayos ang inyong mga anak at maipagpatuloy ang mga pangarap na matagal ninyong pinagsisikapang abutin,” ani Pangulo.

Ang Disiplina Village Arkong Bato ay proyekto ng National Housing Authority (NHA), isa sa mga pangunahing shelter agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), sa ilalim ng Expanded 4PH program.

May kabuuang 960 housing units ang proyekto para sa mga kwalipikadong informal settler families na naapektuhan ng utos ng Korte Suprema na linisin ang Manila Bay, at para sa pamilyang nakatira sa mga mapanganib na lugar sa Valenzuela City.

Siyam na gusali na ang natapos sa unang tatlong phase ng proyekto, na may kabuuang 333 housing units. – VC