
Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga lungsod at munisipalidad sa bansa na tularan ang waste management system ng Marikina City upang makatulong sa pagbawas ng pagbaha sa bansa at mapangalagaan ang kapaligiran.
Ito ang panawagan ng Pangulo matapos inspeksyunin ang ongoing construction ng Marikina River Linear Park at ang operasyon ng Centralized Materials Recovery Facility (MRF) ng lungsod sa Brgy. Sto Niño ngayong Lunes, Setyembre 7.
Inilarawan ng Pangulo ang programa ng Marikina bilang isang “magandang halimbawa” at “template” ng isang sistemang pinagsasama ang maayos na pangongolekta ng basura, pagre-recycle at waste recovery.
“Ito ay dapat ang maging template, at nagiging template na ngayon sa lahat ng iba’t ibang lungsod sa Pilipinas, lalong-lalo na siyempre dito sa NCR,” ani Pangulo.
Kabilang sa mga hakbang na isinasagawa ng lungsod ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig, pag-aalis ng mga istrukturang nasa no-build zones sa paligid ng ilog at paggamit ng mga trash catcher upang mapigilan ang basura na makarating sa Marikina River.
Sa MRF, pinoproseso ang biodegradable waste upang maging compost at organic fertilizer, habang ang mga plastik at iba pang materyales ay nire-recycle bilang paving block, paso, bag, sako at iba pang materyales, pati mga component na maaaring gamitin sa paggawa ng mga school desk.
May sorting bins, composting bioreactors, upcycling facilities at biohazard storage ang pasilidad at may kapasidad na magproseso ng hanggang 200 tonelada ng dry waste kada araw.
Samantala, patuloy na sinusuportahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang waste management efforts ng lungsod sa pamamagitan ng mga floating trash trap na inilalagay sa critical tributary upang harangin ang basura bago ito makarating sa ilog.
Giit ng Pangulo, hindi dapat ituring na hiwalay ang waste management at flood control dahil may direktang epekto ang maayos na pangangasiwa sa basura sa kondisyon ng mga ilog, estero, at drainage system.
Aniya, nakita ang epekto ng mga hakbang ng Marikina sa mga nagdaang bagyo, kung saan sinabing hindi naging kasing-lala ng mga nakaraang insidente ang pagbaha sa lungsod.
“Over the last more or less 10 years, 11 years, nagawan nila, nalagyan nila ng sistema. Kaya tayo nandito dahil ito ang pinakamagandang halimbawa ng circular na economy,” saad ng Pangulo. – VC











