IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, hinikayat ang publiko na muling isulong ang Green Revolution vs Super El Niño

348
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. personally visited vendors at the La Trinidad Vegetable Trading Post in Benguet with DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. last April 17, 2026. (File photo of PBBM/Facebook)

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang publiko na muling isulong ang pagtatanim ng gulay sa mga bakuran sa ilalim ng programang Green Revolution 2.0 ng Department of Agriculture (DA) upang makatulong na mapalakas ang suplay ng pagkain sa bansa sa harap ng banta ng Super El Niño.

Sa panayam sa media sa Singapore nitong Linggo, Oktubre 11, sinabi ng Pangulo na makatutulong ang pagtatanim ng gulay ng bawat pamilya upang madagdagan ang suplay ng pagkain at mabawasan ang pasanin sa sistema ng suplay at distribusyon.

“Balikan natin ‘yung Green Revolution. Let’s encourage everybody. Naka-Green Revolution na tayo noon. Tapos noong pandemic, nabuhay ‘yung plantita. Let’s just keep that going. It won’t solve the entire problem, but it will help,” ani Pangulong Marcos Jr..

Samantala, tiniyak ng Pangulo na sapat ang suplay ng mga pangunahing pagkain sa bansa, kabilang ang bigas, baboy, baka, at manok, sa kabila ng inaasahang epekto ng matinding tagtuyot sa produksyon ng agrikultura.

Ayon sa Pangulo, patuloy na sisikapin ng pamahalaan na mapanatili ang sapat na suplay ng bigas, na pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

“Siyempre, we’ll produce as much as we possibly can. Alam mo naman sa atin ‘pag sinabing food supply, bigas ‘yan. Ang ibig sabihin rice is food. So, ‘yan ang tinitiyak natin,” ani Pangulo.

Dagdag pa niya, may bahagyang sobrang produksyon naman ng manok na nagdudulot ng pagbaba ng presyo nito.

Matatandaang nauna nang iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inaasahang tatagal hanggang Marso sa susunod na taon ang Super El Niño, na posibleng magdulot ng matinding tagtuyot at makaapekto sa produksyon ng mga pananim. – VC