
Mas pinaigting na ng pamahalaan ang kahandaan nito sa pagtugon sa mga sakuna sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya at pagpapatupad ng mas efficient na disaster response system.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27, masayang iniulat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakausad na ang pamahalaan mula sa reactive na pagtugon sa mga kalamidad at ngayon ay gumagamit na ng mas maagap at mapaghandang pamamaraan sa tulong ng mga digital na teknolohiya.
Ayon sa Pangulo, napatunayan na ang pagiging epektibo ng mga pamamaraang tulad ng public-private supply chains, hubs-and-spokes warehousing, automated production, at malawakang pre-positioning ng pagkain at iba pang relief supplies sa mga lokal na pamahalaan.
Sa katunayan, ibinida ng Pangulo na naitatag na ang isang malawak na disaster response network na binubuo ng mga pangunahing disaster resource center sa Luzon at Visayas, habang nakatakda namang makumpleto ang isa pa sa Mindanao.
Bahagi ng sistemang ito ang 15 hubs, 76 spokes, at 919 last-mile facilities na nagsisilbing imprastraktura sa pagtugon sa mga sakuna sa buong bansa. Sa pamamagitan ng ganitong response network, sinabi ng Pangulo na posible nang maihatid ang mga pagkain at iba pang relief goods sa mga apektadong lugar sa loob lamang ng 24 oras.
Pagdating naman sa alalahanin sa kuryente sa panahon ng krisis o kalamidad, tiniyak ngayon ng Pangulo na nakahanda na ang pamahalaan na magpadala ng Mobile Energy Systems upang makapaghatid ng emergency power sa mga lugar na mawawalan ng suplay.
Ito rin ay sasabayan ng Government Emergency Communications System at ng kauna-unahang satellite-to-mobile service sa bansa sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang matiyak ang tuloy-tuloy na komunikasyon sa gitna ng mga sakuna at iba pang emergency.
Sa pagpapatupad ng konsepto ng State of Imminent Disaster, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na magbibigay-daan ito sa mas maagang paghahanda at pagtugon ng pamahalaan bago pa man tumama ang isang kalamidad.
“At dahil mayroon na tayong konsepto ng State of Imminent Disaster, hindi na natin hihintayin na mangyari ang sakuna. Aagapan natin ang paghahanda at pagresponde,” ani Pangulo,” ani punong ehekutibo.
“And so, taking all these lessons to heart, our overarching mission and all our conscious efforts henceforth must not be to simply uplift, but to ensure security and self-sufficiency of our nation and of our fellow Filipinos,” dagdag niya. – VC











