IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, inanunsyo ang kauna-unahang insentibo para sa mga medalista ng 2026 Palarong Pambansa

Kristel Isidro
60
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. posed for a selfie with the 2025 Palarong Pambansa athletes. (File photo from PCO)

Sa kauna-unahang pagkakataon, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkakaloob ang Philippine Sports Commission (PSC) ng insentibo para sa mga medalista ng 2026 Palarong Pambansa bilang pagkilala sa husay at dedikasyon ng mga batang atletang Pilipino.

Sa isang video message sa opening ceremony ng taunang multi-sport event sa Agusan del Sur nitong Linggo, Mayo 24, sinabi ng Pangulo na kapwa tatanggap ng insentibo ang mga medalista sa regular sports at para games.

“Masaya akong ibalita sa inyo na, sa kauna-unahang pagkakataon, maglalaan ang Philippine Sports Commission ng mga incentive para sa mga medalista sa regular sports at sa para games bilang pagkilala sa inyong husay,” ayon sa Pangulo.

Hinikayat ng Pangulo ang mga kalahok na ibigay ang kanilang makakaya sa bawat laban habang pinahahalagahan ang diwa ng palaro.

Binigyang-diin din ng Pangulo na higit pa sa medalya at tagumpay ang naituturo ng Palarong Pambansa dahil nahuhubog din dito ang mahahalagang kaugalian tulad ng disiplina, tiyaga, paggalang, at malasakit sa kapwa.

Kaugnay nito, tiniyak niya ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa grassroots sports at youth development programs sa buong bansa.

Pormal na inilunsad ang 2026 Palarong Pambansa sa Agusan del Sur, na kauna-unahang pagkakataong nagsilbing host ng pambansang palaro, na nilahukan ng 16,000 delegado mula sa 18 rehiyon, National Academy of Sports, at Philippine Schools Overseas ngayong taon. – VC