
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapaunlad sa mga hindi pa nagagamit na lupang pag-aari ng National Housing Authority (NHA) upang magamit sa pagtatayo ng permanenteng pabahay para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa malawakang pagbaha sa Pampanga.
Sinabi ito ng Pangulo matapos niyang inspeksyunin ang pinsalang dulot ng matitinding pag-ulan sa Brgy. Sta. Rita sa Lubao, Pampanga nitong Miyerkules, Setyembre 2.
“Ito ’yung priority, ’yung mga tao na halimbawa, nasiraan ng bahay, kailangang hanapan ng matirhan sila,” ani Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, tinutukoy na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga posibleng lugar na maaaring pagtayuan ng permanenteng pabahay.
Aniya, may mga lupang pag-aari ang NHA sa Pampanga na hindi pa nagagamit at maaring paunlarin para sa pabahay ng mga apektadong pamilya.
“Nakatira sila sa mga kamag-anak nila pero in the long term, kailangang hanapan natin. DHSUD is here. Meron naman daw ang NHA. May lupa raw dito na hindi pa nagagamit. Sisimulan natin ang development doon,” pahayag ng Pangulo.
Kaugnay nito, sinabi ni Pampanga Governor Lilia Pineda na muling ipapagawa ang 17 bahay na tuluyang nawasak dahil sa pagbaha.
Maaari ring gamitin ang mga bakanteng housing unit ng NHA bilang pansamantala o permanenteng tirahan ng mga pamilyang nawalan ng bahay ayon kay Pineda.
Inatasan naman ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensya na pag-aralan ang posibilidad na magsagawa ng katulad na programa ng pabahay sa iba pang bayan na matinding naapektuhan ng pagbaha.
Sa kanyang pag-inspeksyon, personal na kinumusta ng Pangulo ang lagay ng humigit-kumulang 200 pamilyang lumikas sa Sta. Catalina Evacuation Center kung saan namahagi ang pamahalaan ng tulong kabilang ang tig-P10,000 cash assistance, family food packs (FFPs), at hot meals. – VC











