IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, itinaas ang minimum access volume ng karne ng baboy sa gitna ng kakulangan sa suplay

Kristel Isidro
89
Views

[post_view_count]

Photo courtesy of PNA

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapataas ng minimum access volume (MAV) para sa karneng baboy bilang tugon sa bumababang suplay nito sa bansa dulot ng African Swine Fever (ASF).

Batay sa pinakahuling Livestock and Poultry Quarterly Bulletin ng Philippine Statistics Authority, bumaba sa 8.70 milyon na ulo ng baboy ang kabuuang swine inventory sa bansa, mas mababa ng 1.5% kumpara sa 8.84 milyong naitala sa kaparehong panahon noong 2025.

Dahil sa pagbaba ng suplay, patuloy na sumisipa ang presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan.

Sa ilalim ng Executive Order No. 116, itataas mula 54,210 metric tons (MT) hanggang 204,210 MT ang MAV para sa karneng baboy ngayong 2026.

Nangangahulugan ito na mas maraming karneng baboy ang maaaring maangkat sa mas mababang taripa.

30,000 MT ng imported pork mula sa MAV allocation ang ilalaan para sa food processors, habang 120,000 MT naman ang mapupunta sa Food Terminal Inc. para sa Kadiwa ng Pangulo program.

Alinsunod ito sa rekomendasyon ng MAV Management Committee bilang bahagi ng mga hakbang upang matiyak ang food security sa gitna ng umiiral na national energy emergency.

Ayon kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng kautusan na matiyak ang patas na alokasyon ng suplay para sa pagpapababa sa presyo ng baboy.

“Dati kasi 10% of the companies control 60% of the MAV. Ngayon, binago namin ang sistema, lahat pantay-pantay, raffle system,” ani Laurel.

Samantala, sinabi ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc. na inaasahang makatutulong ang pagpapataas ng MAV upang madagdagan ang suplay ng mas abot-kayang karneng baboy sa merkado.

Gayunman, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay laban sa mga posibleng magmamanipula ng presyo at suplay ng karne.

Hinimok din ng samahan ang publiko na patuloy na tangkilikin ang lokal na karneng baboy, at iginiit ang agarang pag-apruba ng bakuna laban sa ASF. (Ulat mula kay Harley Valbuena) – VC