
Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kongreso na agarang amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang alisin ang ipinapasang system loss sa mga konsyumer at repasuhin ang pagpapataw ng value-added tax (VAT), bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang mapababa ang singil sa kuryente.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 27, iginiit ng Pangulo na hindi makatarungang ipasa sa mga konsyumer ang halaga ng system loss dahil wala silang pananagutan sa pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution system.
“At kung pagbawas ng presyo ang usapan, sa aking palagay, panahon na para tanggalin na natin ang system loss na pinapasa sa consumer,” ani Pangulo.
Dagdag ng Pangulo, bukod sa ipinapasa sa mga konsyumer ang system loss, pinapatawan pa ito ng VAT, na lalo aniyang nagpapabigat sa buwanang bayarin sa kuryente.
“Pinapasa ito sa consumer at kinakarga sa bill na pinapatungan pa ng value-added tax. Hindi naman kasalanan ng konsyumer kung bakit nagkaroon ng system loss. Kaya hindi naman tama na kailangan sila pa ang pagbabayarin dito,” saad ng Pangulo.
Kasabay nito, hinimok din ng Pangulo ang Kongreso na agarang ipasa ang panukalang Sariling Kuryente Act, na naglalayong gawing mas simple at mas abot-kaya ang paglalagay ng solar at battery storage systems sa mga tahanan.
Sa pamamagitan nito, inaasahang makalilikha ng sariling suplay ng kuryente ang mga pamilya at mababawasan ang kanilang gastusin sa electricity.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Senate Energy Committee Chair Erwin Tulfo sa panawagan ng Pangulo na tanggalin ang system loss charges.
“Yang system loss [kasi] ay power na dumadaan sa mga linya pero nag-eevaporate dahil sa mga jumper o basta biglang nawawala. Tayo ang nagbabayad niyan. Parang sa isang tindahan, kapag may losses ka, alangan namang i-charge mo iyon sa ibang customers. Kaya tama naman ang Pangulo, kailangan ayusin ang system loss na iyan dahil malaking pabigat iyan,” ani Tulfo.
Ayon pa sa senador, pag-aaralan din ng kanyang komite ang pagpapataw ng VAT sa singil sa kuryente upang matukoy kung may batayan ang patuloy na pagpapatupad nito.
“May hearing ako sa Thursday. Iyan ang magiging topic namin, pati ang sinasabing kung pwedeng alisin ang VAT. We will talk about it. Siguro before the end of this Congress, I will make sure na magagawa natin iyon,” ani Tulfo.
Sa huli, tiniyak ng Pangulo na kinikilala ng pamahalaan ang panawagan ng publiko para sa mas mababang singil sa kuryente at nananatiling prayoridad ng administrasyon ang pagpapatupad ng mga hakbang upang mapagaan ang gastusin ng mga mamamayan.
“Mga kababayan, sa lahat ng mga ginagawa natin sa sektor ng enerhiya, malinaw din sa pamahalaan ang hinaing ng taumbayan na pababain ang presyo ng kuryente sa bansa,” giit ng Pangulo. – VC











