IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, kinilala ang tagumpay ng 4PH Program; DHSUD, nangakong ipagpapatuloy ang paghahatid ng abot-kayang pabahay

104
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. along with Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling visited a housing project under the Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (Expanded 4PH) Program in Calinan District, Davao City last Tuesday, July 28. (Photo courtesy of PCO)

Nangako ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na ipagpapatuloy ang pagpapalawak ng mga programang pabahay ng pamahalaan matapos kilalanin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tagumpay ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na mahigit 500,000 housing units na ang naitayo at napondohan ng administrasyon, kabilang ang 100,000 yunit na naidagdag sa loob lamang ng isang taon.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ang pagkilala ng Pangulo ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at iba pang katuwang sa pagpapatupad ng flagship housing program ng administrasyon.

“More than an affirmation of what we have accomplished, this inspires us to work even harder so that more Filipino families can finally achieve their dream of owning a safe, decent, and affordable home,” ani Aliling.
Mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2026, nakapaghatid ang administrasyon ng kabuuang 575,693 housing units, katumbas ng 51% ng recalibrated target na 1.13 milyong housing units bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos Jr.

Sa naturang bilang, 81,295 housing units ang naipagkaloob sa pamamagitan ng direct housing provision, 368,731 ang natulungan sa ilalim ng government housing financing programs, habang 125,667 housing units ang naitayo sa pamamagitan ng Expanded 4PH Program.

Bago ang SONA, matatandaang nauna na ring sinabi ni Naga City Mayor Leni Robredo na kabilang ang DHSUD sa mga ahensyang nararapat kilalanin sa talumpati ng Pangulo dahil sa naging ambag nito sa pagtugon sa lumalaking pangangailangan sa pabahay sa kanilang lungsod.

“Malaki ang housing problem ng Naga kasi ‘yung rapid urbanization dito, housing ‘yung naiiwan pero medyo nakakahabol tayo ngayon dahil sa tulong ng DHSUD,” ayon kay Robredo.

Kinilala rin ng mga pribadong sektor ang programa.

Sa Q1 2026 Philippine Property Market Briefing, sinabi ni Colliers Philippines Research Director Joey Roi Bondoc na nakatutulong ang Expanded 4PH Program sa paglago ng affordable housing segment, partikular para sa mga urban poor at low-income earners.

“By prioritizing government intervention to stimulate the economy, the Philippine government’s Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program is doing wonders for the condominium market, specifically for the urban poor and low-income earners,” ani Bondoc.

Samantala, sinabi ng DHSUD na pinatutunayan ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) ang pag-unlad ng programa, matapos tumaas ng pitong puntos ang net satisfaction rating ng publiko sa housing program ng administrasyon para sa mahihirap, mula +38 noong Nobyembre 2025 hanggang +45 noong Marso 2026.

Sinabi ni Aliling na ang lumalawak na suporta mula sa Pangulo, mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at publiko ay lalo pang nagpapatibay sa layunin ng DHSUD na makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa pabahay sa buong bansa.

“Asahan po ninyo na patuloy na magsisikap ang DHSUD kasama ng aming mga key shelter agencies upang mas mapalawak pa ang mga programang pabahay ng gobyerno para mas maraming pamilyang Pilipino pa ang matulungan nating makamit ang pinapangarap nilang disente, ligtas at abot-kayang tahanan,” ayon sa kalihim. – VC