
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang 2026 State of the Nation Address (SONA) na may mahigit 500,000 bahay ang naitayo at napondohan sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mabawasan ang kakulangan sa pabahay sa bansa.
Ibinida ng Pangulo na bahagi nito ay ang mahigit 100,000 karagdagang housing units na naitayo sa loob lamang ng isang taon sa ilalim ng pinalawak na programa.
“Sa ating programang pabahay, higit limang daang libong bahay ang ating naitayo na at napondohan, kasama ang higit isang daang libong bahay na naidagdag natin sa loob lamang ng isang taon sa ilalim ng pinalawig natin na 4PH program,” masayang ulat ng Pangulo.
Malaki ang naging ambag ng Pag-IBIG Fund sa tagumpay ng programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kayang housing loans sa mga kwalipikadong miyembro.
Batay sa pinakahuling datos ng ahensya, umabot na sa P517.47 bilyon ang kabuuang halaga ng housing loans na inilabas nito, na nagpondo sa 379,294 housing units sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.
Sinabi ng Pangulo na nagtutulungan ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at iba pang ahensyang kabilang sa housing sector upang matugunan ang pangarap ng mas maraming Pilipino na magkaroon ng sariling tahanan.
“Nariyan ang DHSUD at mga ahensyang kasapi sa sistema ng pabahay upang matupad ang pinapangarap na tahanan ng Pilipino. Katuwang ang pribadong sektor at lokal na pamahalaan, puspusan nating pinupuno ang kakulangan sa pabahay sa buong bansa,” ayon sa punong ehekutibo.
Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na gawing mas abot-kaya ang pabahay, itinaas ng Pag-IBIG Fund ang maximum housing loan sa P10 milyon, na nagbibigay sa mga miyembro ng mas malaking kakayahang makabili ng tahanang angkop sa kanilang pangangailangan.
“Susi sa lahat ng ito ang magandang sistema ng pautang, upang gawing mas abot-kaya ang mga pabahay para sa mga Pilipino. Ngayon, itinaas natin sa sampung milyong piso ang limit sa pautang para sa pabahay,” ayon sa Pangulo.
Sa ilalim ng Expanded 4PH Program, nananatili rin ang 3% subsidized interest rate para sa socialized housing loans ng mga minimum-wage at low-income earners.
Bukod dito, nag-aalok ang Pag-IBIG Fund ng 4.5% promotional interest rate para sa socialized housing loans na hanggang P4.9-M, at 5.75% para sa mga pautang na higit sa P4.9-M hanggang sa katapusan ng taon.
Para kay DHSUD Secretary Jose Ramon P. Aliling, patunay ang pagkilala ng Pangulo na nagbubunga ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagpapatupad ng Expanded 4PH Program.
“Ang mahigit limang daang libong tahanang naitayo o napondohan sa ilalim ng programang pabahay ng Marcos Administration nitong nakaraang apat na taon ay hindi lamang bilang. Nangangahulugan ito na mas maraming pamilyang Pilipino ang nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng sariling tahanan at bumuo ng mas maayos, mas ligtas at mas matatag na kinabukasan sa ilalim ng Expanded 4PH,” ani Aliling.
Samantala, sinabi ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta na bunga ng patuloy na tiwala ng mga miyembro at maingat na pamamahala sa pondo ang kakayahan ng ahensya na mapanatiling abot-kaya ang housing loans habang patuloy na napapalawak ang serbisyong pabahay para sa mas maraming Pilipino. – VC











