
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) upang palawakin ang tulong ng pamahalaan para sa mga estudyante sa kolehiyo at technical-vocational education and training (TVET).
Pinangunahan ng Pangulo ang ceremonial signing sa Malacañang ngayong Biyernes, Setyembre 4.
“This Act reflects what our Bagong Pilipinas should always be: a country where every young Filipino, especially the most disadvantaged, has an equal chance at a quality tertiary education,” ani Pangulo.
Sa ilalim ng orihinal na batas, libre ang tuition at iba pang school fees sa mga pampublikong higher education institution at state-run technical vocational institutions.
Naglalaan din ito ng Tertiary Education Subsidy para sa mga estudyanteng nangangailangan ng dagdag na tulong-pinansyal.
Sa bagong amyenda, higit na bibigyang-prayoridad ang mga estudyanteng mula sa mahihirap na pamilya, kabilang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon sa Pangulo, tumaas na sa 2.6 milyon ang bilang ng mga benepisyaryo ng Free Higher Education ngayong unang semestre ng kasalukuyang academic year, mula sa dalawang milyon.
Sa pamamagitan ng pag-amyenda, palalawakin nito ang tulong ng pamahalaan para sa mga estudyante sa kolehiyo at vocational course students.
Ibinida naman ng Pangulo ang mga tagumpay ng pamahalaan sa edukasyon kabilang ang paglulunsad ng Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program at ang karagdagang undergraduate scholars ng Department of Science and Technology Science Education Institute (DOST-SEI).
“Tulad lang ng nabanggit ko sa aking SONA ngayong taon, ang edukasyon pa rin ang pangunahing nagtataguyod ng kakayahan, kung kaya ito ang nangunguna sa listahan ng aking administrasyon,” saad ng Pangulo.
Kaugnay nito, pinasalamatan ng Pangulo ang mga mambabatas sa Senado at Kamara sa pagtutulungan upang maipasa ang amyenda sa batas.
Inatasan niya rin ang Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST), at iba pang ahensya na agad ihanda ang mga patakaran para sa pagpapatupad ng bagong batas. – VC











