IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, nais maipasa ang Anti-Political Dynasty bill sa kanyang termino

83
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. presided over the 3rd Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) full meeting. (File photo)

Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maipasa ang panukalang batas laban sa political dynasty bago matapos ang kanyang termino, ayon sa Malacañang.

Sa press briefing ngayong araw, Setyembre 17, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na kabilang ang Anti-Political Dynasty sa mga prayoridad na panukalang batas ng administrasyon at hiling ng Pangulo na mapabilis ang proseso ng pagsasabatas nito.

“Talagang ito po ay pinapamadali niya at gusto po niya hangga’t maaari sa panahon po niya ay maipasa ang anti-political dynasty law,” ani Castro.

Ayon kay Castro, sumasang-ayon ang Pangulo sa kautusan ng Supreme Court na panahon na upang maisabatas ang panukala kontra disnatiya.

Matatandaang iniutos ng Korte Suprema sa Kongreso na isabatas ang panukalang Anti-Political Dynasty matapos bigong umusad sa loob ng 39 taon.

Nakasaad sa 1987 Constitution na dapat magpatupad ang Kongreso ng batas na nagbabawal sa political dynasties, alinsunod sa mga probisyong itatakda nito.

Gayunman, sinabi ni Castro na nasa Kongreso pa rin ang pagpapasya sa magiging takbo at bilis ng pagtalakay at pagpasa sa panukala sa gitna ng iba pang mahahalagang panukalang kailangang aksyunan.
“Lumabas naman din po ang desisyon ng Supreme Court, alam din po nila, gusto din po naman nila na magkaroon po talaga ng anti-political dynasty law,” ani Castro.

Noong Pebrero, isinama ni Pangulong Marcos Jr. ang Anti-Political Dynasty bill sa mga prayoridad na panukalang batas ng kanyang administrasyon na iniharap sa ikatlong Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting.

Noong Hunyo, inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8389.

Naipadala na ang panukala sa Senado ngunit hindi pa ito naisasalang sa plenary deliberations ng mga senador. – VC