
Ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na pagsusulong ng reporma ng pamahalaan sa pagnenegosyo upang mahikayat ang mas maraming mamumuhunan na maglagak ng pera sa Pilipinas.
Sinabi ito ng Pangulo kasunod ng initial public offering (IPO) ng Mynt Inc., ang kumpanyang nagmamay-ari ng GCash, sa Philippine Stock Exchange (PSE) ngayong Martes, Oktubre 20.
Sa seremonya sa PSE Tower sa Taguig City, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na positibong indikasyon ang IPO ng kumpanya sa kalagayan ng pamumuhunan sa bansa.
Binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangang pasiglahin ang interes ng mga mamumuhunan at palawakin ang partisipasyon sa stock market.
“The timing of this listing is especially meaningful. We will continue to pursue reforms that strengthen investor confidence and support the development of our capital market,” ani Pangulo.
Isinagawa ang IPO ng Mynt mula Oktubre 6-12 sa halagang P6.60 kada share, kung saan tinatayang P53 bilyon ang nalikom ng kumpanya mula sa pagbebenta ng mahigit walong bilyong shares.
Ayon sa Pangulo, nagpakita ng mataas na demand ang alok na shares ng Mynt mula sa mahigit 20 local at international institutions.
“With an offering that could raise as much as P61 billion, this landmark IPO is an encouraging development for our capital market,” ani Pangulong Marcos Jr.
Malugod naman na tinanggap ng lider ang pakikilahok ng mga ordinaryong Pilipino sa alok na shares, na maaari aniyang bilhin ng mga kwalipikadong GCash users sa pamamagitan ng GStocks PH.
Ayon sa Pangulo, ipinakikita nito kung paano magagamit ang digital technology upang gawing mas abot-kamay ng publiko ang mga oportunidad sa pamumuhunan.
Umaasa naman si Pangulong Marcos Jr. na susundan ng iba pang Filipino enterprises ang Mynt sa pagpasok sa stock market upang makalikom ng pondo para sa kanilang paglago.
Hinimok din niya ang mga katuwang na pribadong sektor na patuloy na mamuhunan sa mga proyektong lumilikha ng trabaho at nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.
“For its part, the government will continue to work to improve the ease of doing business, promote fair competition, and to support responsible innovation,” ani Pangulo. – VC











