
Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangakong pakikipagtulungan ng Pilipinas sa Japan upang higit pang palakasin ang strategic partnership nito hindi lamang para sa mga mamamayan kundi pati na rin sa buong rehiyon ng Indo-Pacific.
Sa kanyang mensahe sa State Banquet na pinangunahan nina Japanese Emperor Naruhito at Empress Masako nitong Miyerkules, Mayo 27, binigyang-diin ng Pangulo na ang pag-unlad ng ugnayan ng dalawang bansa ay nakabatay sa tiwala, parehas na layunin para sa kapayapaan, at kaunlaran.
“Together, we reaffirm our unwavering dedication to peace and a rules-based order governed by international law, ensuring stability, prosperity, and dignity for future generations,” pagbibigay-diin ng Pangulo.
Kasabay nito, kinilala din ni Pangulong Marcos Jr. ang pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng normalization ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Japan.
Aniya, hindi lamang traditional diplomatic ties ang nagbubuklod sa dalawang bansa dahil kasama na rin ang pagpapalakas ng iba’t ibang aspeto gaya ng maritime security, humanitarian response, at regional stability.
Inilarawan ng lider ang bilateral relationship ng dalawang bansa bilang ugnayan na hinubog ng mga henerasyon na mas pinipili ang pagkakaibigan at hindi ang pagkakanya-kanya.
Sa huli, binigyang-pugay ni Pangulong Marcos Jr. ang mahalagang kontribusyon ng mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Japan sa pagpapalakas ng people-to-people ties.
“Whether in seasons of abundance and hardship, Japan has consistently stood shoulder-to-shoulder with the Filipino people, extending solidarity and assistance at the right moments to reassure us that we have a friend we can always count on,” dagdag pa nito. – IP











