IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pina-aangkop ang proteksyon ng Pinoy seafarers sa gitna ng digitalization, pandaigdigang hamon

102
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. during his speech at the Philippine Maritime Convention 2026 held in The Manila Hotel, today, September 23. (Photo courtesy of PCO)

Dapat umangkop ang mga hakbang ng pamahalaan para sa proteksyon ng mga Filipino seafarer sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at tumitinding pandaigdigang hamon, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Philippine Maritime Convention (PhilMarCon) 2026 sa The Manila Hotel ngayong Miyerkules, Setyembre 23.

Dahil mabilis na nagbabago ang maritime sector bunsod ng digitalization, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan na iangkop ang pagsasanay at mga hakbang sa seguridad at proteksyon para sa mga seafarer.

“Digitalization is changing the skills that the industry requires. The way we prepare and protect our seafarers must evolve with the world that they sail in,” saad ng Pangulo.

Dagdag niya, hindi magiging sustainable ang maritime industry kung mananatiling vulnerable ang mga manggagawang nagpapatakbo nito.

Kasabay niyan, patuloy na pinapalakas ng pamahalaan ang mga mekanismo para sa proteksyon at kapakanan ng mga marino, kabilang ang pagsunod sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW) Convention and Code.

Ngayong taon, nagpatupad ang Department of Migrant Workers (DMW) ng mga bagong sea-based rules at updated standard employment contracts para sa overseas Filipino seafarers.

Nariyan ang Seafarers’ Welfare Center na nagbibigay ng mga pagsasanay, serbisyong-medikal, legal na tulong at iba pang serbisyo.

Para naman sa mga nagtatrabaho sa mga lugar na may mataas na banta sa seguridad, pinahusay ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga hakbang para sa kanilang kaligtasan at emergency repatriation.

Patuloy ang Full-Cycle National Reintegration Program para matulungan ang mga seafarer sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas kaakibat ang kabuhayan, wellness programs, financial literacy at iba pang suporta batay sa kanilang pangangailangan at kakayahan.

Tiniyak ng Pangulo na mararamdaman ng mga tripulante ang suporta ng bansa saanman sila dalhin ng kanilang trabaho.

“Let us ensure that every Filipino that sails under the Philippine flag, or represents the Philippines aboard an international vessel, carries the confidence that their country stands behind them,” ani Pangulo. – VC