
Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matutuldukan ang suliranin sa kagutuman sa bansa, kasabay ng kanyang pamamahagi ng libreng bigas sa roll out ng “Biyayang Bigas para sa Maynila” sa isang mall sa lungsod ngayong Huwebes, Abril 16.
Ayon sa Pangulo, bahagi ang programa ng kanyang layunin na masigurong wala nang Pilipinong magugutom sa ilalim ng kanyang termino.
“Sabi ko, sana pagbaba ko bilang Pangulo ay masasabi kong wala nang gutom na Pilipino. Kaya po aming ginagawa, patuloy na ginagawa ito,” saad ni Pangulong Marcos Jr.
Nataon ang implementasyon ng programa sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East at nakakapekto sa presyo ng langis, na nagiging pasanin lalo na ng mga nasa vulnerable sector.
Tiniyak naman ni PBBM na palalawakin pa ang libreng bigas na hatid ng ‘Biyayang Bigas’ hindi lamang sa Kamaynilaan kundi maging sa buong bansa.
“Kaya ito po ang simula. Kagaya ng sabi ko, nauna ang Maynila. Ngunit patuloy po ito at saka buong bansa ay mabibigyan natin,” pagsisiguro ng Pangulo.
Sa ilalim ng ‘Biyayang Bigas para sa Maynila,’ inaasahang makikinabang ang 80,000 mga pamilyang benepisyaryo sa lungsod, na tatanggap ng tig-10 kilong bigas nang anim na beses sa loob ng isang taon.
Pinondohan ang nasabing programa ng P286 milyon na ipinagkaloob ng Office of the President sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa ilalim ng Financial Assistance to Local Government Units (FALGU) program.
Sa kabuuan, umabot na sa halos P15 bilyon ang pondong naipamahagi ng administrasyon para sa pagpapatupad ng nasabing inisyatiba. – MP











