
Personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng tig-10 kilo ng bigas sa 100 ambulant o small-scale vendor sa Palayan City, Nueva Ecija ngayong Huwebes, Abril 23, bilang bahagi ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa vulnerable sector.
Ayon kay Palayan City Mayor Viandrei Nicole Cuevas, ang ipinamahaging bigas ay mula sa Local Government Support Fund–Growth Equity Fund (LGSF-GEF), na inilaan ng pambansang pamahalaan upang tulungan ang mga llocal government units sa pagpapatupad ng kanilang mga programa.
Ipinaliwanag ni Cuevas na direktiba ng Pangulo na maglaan ng pondo para sa bigas upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayan sa gitna ng tumataas na gastusin.
Pinuri naman ng alkalde ang administrasyon sa pagpapabilis ng mga proseso sa ilalim ng LGSF, na aniya’y nakabawas sa red tape at nagpaigting epektibong implementasyon ng mga proyekto.
“To our President, maraming, maraming salamat po. Unang-una po sa pagtiwala po sa LGUs na i-implement po ‘yung programa po na ito ay isang malaki at mahalagang programa po para sa mga Palayano,” pasasalamat ni Cuevas.
Inaasahang palalawakin pa ang naturang programa sa bigas upang makinabang ang tinatayang 11,000 mga Pilipino.
Pagtapos nito, binista rin ng Pangulo ang mga Kadiwa store na nag-aalok ng abot-kayang produktong agrikultural at basic commodities para sa mga senior citizen, solo parent, persons with disabilities (PWD), at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Bukod dito, nakipagpulong si Pangulong Marcos Jr. sa 19 na punong barangay ng lalawigan, kung saan bawat isa ay makakatanggap ng tig-P200,000 mula sa Office of the President (OP) sa ilalim ng Socio-Civic project funds para makatulong sa mga mag-aaral at iba pang suliranin sa komunidad. – IP











