IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM sa mga ahensya ng pamahalaan: ‘Tiyaking walang Pilipinong maiiwan sa gitna ng pagbaha’

67
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led a meeting with Cabinet officials and government agencies to discuss and strengthen the government’s response to flooding in Central Luzon and Metro Manila, Monday, August 31. (Photo courtesy of PCO)

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno na tiyaking mabilis na nakararating ang tulong sa mga Pilipinong apektado ng baha, lalo na sa mga liblib na lugar.

Nitong Lunes, Agosto 31, nagpatawag ang Pangulo ng isang pulong para talakayin ang sitwasyon ng pagbaha sa Central Luzon at ang kalagayan ng kalusugan ng mga residente sa Metro Manila.

Dumalo sa naturang pagpupulong ang mga opisyal mula sa Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTr), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Budget and Management (DBM), at Office of Civil Defense (OCD).

“Nais siguruhin ng Pangulo na ang mga ahensya ng pamahalaan ay tumutugon sa pangangailangan ng ating mamamayan sa pinakamabilis na oras,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Batay sa datos, umabot na sa P674.44 milyon ang kabuuang tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong lugar sa Tarlac, Pampanga at Bulacan. Nagpapatuloy din ang search and rescue operations at paghahatid ng mga rubber boat sa mga lugar na lubog sa baha.

Tinalakay rin sa pulong ang matinding trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX) dahil hindi makadaan ang ilang maliliit na sasakyan sa mga bahaging mataas ang baha.

Dahil dito, nagpakalat na ang pamahalaan ng mga patrol officer upang tumulong sa mga motorista, habang naglagay rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng flood barriers at water pumps sa ilang bahagi ng NLEX.

Sa kasalukuyan, pinag-aaralan pa ang magiging pangmatagalang solusyon sa sitwasyon dahil ayon sa otoridad ay hindi sapat ang mga drainage sa lugar.

Samantala, iniulat ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na umabot na sa P618.36 milyon ang tulong na naipamahagi ng ahensya sa mga apektadong komunidad, kabilang ang pamimigay ng food packs, ready-to-eat food, non-food items at cash assistance.

Nagpadala rin ang ahensya ng mga rescue vehicle at tatlong mobile kitchens sa mga lugar na nangangailangan ng tulong.

Iniulat naman ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nagbibigay ang ahensya ng agricultural assistance, crop insurance at financial assistance sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng baha.

Sa ilalim ng Agri-RECOVER program, maaaring makahiram ng hanggang P35,000 ang mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda.

Samantala, tinanong din ng Pangulo ang DOH tungkol sa mga kaso ng leptospirosis, kung saan iniulat ng ahensya ang naitalang 5,835 mga kaso nito at 19% na mas mababa kumpara sa 7,187 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Tiniyak naman ng DOH na sapat ang suplay ng gamot para sa mga pasyente, at maaaring magpagamot ang mga ito sa Philippine General Hospital, National Kidney and Transplant Institute at mga pribadong ospital na tumatanggap ng PhilHealth coverage para sa leptospirosis.
Mayroon ding Leptospirosis Express Lane sa mga ospital ng DOH upang mas mabilis na matulungan ang mga pasyente.

Sa sektor naman ng imprastraktura, patuloy ang pagkukumpuni ng DPWH sa mga kalsada, tulay at iba pang imprastraktura na nasira ayon kay Secretary Vince Dizon.

Kabilang dito ang Agana Bridge at Aquino Bridge sa Tarlac City, kung saan pansamantalang ginagamit ang bailey bridge bilang tawiran habang inaayos ang Agana Bridge.

Inaayos din ang Balanti Dike at San Isidro Dike sa Tarlac City; Sto. Cristo Dam sa Lubao, Pampanga; at Bucao Dike sa Botolan, Zambales.

Maglalagay naman ng bailey bridge sa Sta. Fe Bridge sa San Marcelino, Zambales habang isinasagawa ang pagkukumpuni.

Pagtitiyak ng DBM, sapat pa ang Quick Response Fund ng gobyerno para sa mga operasyon sa mga lugar na apektado ng baha.

Kabilang din sa tinalakay sa pulong ang epekto ng climate change, kung saan binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng paghahanda at pag-unawa ng publiko sa epekto nito upang mas maging handa ang mga komunidad sa mga sakuna. – MP