IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM sa mga foreign investor: ‘Build your next enterprise in the Philippines’

78
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. during the inaugural of Luzon Economic Corridor Investment Forum in Taguig City today, September 10. (Screengrab from RTVM)

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga investor at business leader na magtayo ng kanilang mga negosyo sa Pilipinas sa isinagawang Luzon Economic Corridor (LEC) Investment Forum sa Taguig City ngayong Huwebes, Setyembre 10.

“Bring your capital, technology, your expertise. Develop Filipino talent and local suppliers. Form lasting partnerships with our businesses and communities,” ani Pangulong Marcos Jr.

Ayon sa Pangulo, patuloy na magbibigay ang pamahalaan ng maayos na imprastraktura, sapat na skilled workers, at mga serbisyong kailangan ng mga negosyo upang suportahan ang long-term investment.

Sinabi ng Pangulo na target ng pamahalaan na makita ng mga foreign investor ang Pilipinas hindi lamang bilang isang pamilihan kundi bilang isang maaasahang katuwang sa negosyo.

Inilunsad ng Pilipinas, United States, at Japan ang LEC noong 2024 upang palakasin ang koneksyon ng Subic Bay, Clark, Metro Manila at Batangas.

Ngayon ay kasapi na ng LEC ang Australia, Canada, Denmark, France, Italy, South Korea, Sweden at United Kingdom.

Mahalaga ang bawat lugar sa corridor dahil sa kanilang magkakaibang industriya.

Ang Subic Bay ay mahalagang sentro ng maritime at industrial gateway, habang ang Clark ay umuusbong bilang sentro ng aviation, logistics, technology, at urban development.

Samantala, nananatiling sentro ng negosyo at pananalapi ng bansa ang Metro Manila, habang mahalaga naman ang Batangas sa manufacturing, enerhiya at kalakalan.

Ayon sa Pangulo, ipinapakita ng lumalawak na suporta ng mga LEC partner country ang kanilang tiwala sa Pilipinas bilang maaasahang katuwang at destinasyon para sa pamumuhunan. VC