IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM sa MMDA: Agad na ipatupad ang flood management projects sa 39 sites sa Metro Manila

188
Views

[post_view_count]

University of the Philippines (UP) Diliman sunken garden. (File photo of UPD)

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pabilisin ang pagpapatupad ng flood management projects sa 39 sites na natukoy sa Metro Manila sa oras na makumpleto ang kaugnay na feasibility studies.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, mula sa 107 potensyal na lokasyon na una nang tinukoy ng ahensya, 39 lamang ang napili matapos ang serye ng konsultasyon at pagsusuri sa bawat lugar.

“Nandito po iyong 39 na sites. Ito po ay may plano na, execution-ready, iba’t ibang klase po ng proyekto ito,” ani Artes.

Iba-iba ang disenyo ng mga proyekto depende sa kondisyon at pangangailangan ng bawat lokasyon.

Kabilang dito ang mga catchment o cistern-type facility na maaaring magsilbing pansamantalang imbakan ng labis na ulan sa ilalim ng lupa.

Bahagi ang mga ito ng tinatawag na “sponge city” approach, kung saan sa halip na agad itapon ang tubig, ito ay sinasalo, iniimbak at pinamamahalaan upang mabawasan ang epekto ng pagbaha.

Ayon kay Artes, mahalagang isulong ang ganitong flood management strategy dahil sa dami ng malalakas na pag-ulan at matitinding kondisyon ng panahon na iniuugnay sa climate change.

“Hindi na dapat i-control iyong tubig, hindi na dapat labanan, kung hindi dapat po ay i-manage,” ani Artes.

Aniya, ginagamit na rin ang ganitong pamamaraan sa ilang bansa, kabilang ang Singapore, China, Netherlands at United Kingdom.

Sa Metro Manila, may hindi bababa sa dalawang identified sites ang bawat local government unit (LGU), habang may ilang lungsod na may tig-tatlong lokasyon.

Kabilang sa mga natukoy na priority sites ang Miriam College, Camp Aguinaldo at University of the Philippines Diliman sa Quezon City, gayundin ang Rizal Memorial Stadium, Rajah Sulayman Park at Remedios Circle sa Maynila.

Target na makumpleto ang mga underground water storage sa Hunyo 2027, kung saan target ang mga green spaces na lokasyon, kalsada, paradahan, sunken gardens, people’s park, at mga sports facilities na may underground detention basins.

Bahagi ang proyekto ng plano ng administrasyong Marcos Jr. na palakasin ang kakayahan ng Metro Manila na harapin ang pagbaha sa pamamagitan ng kombinasyon ng flood-control infrastructure, climate adaptation measures at nature-based solutions. – VC