IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, target ipakilala ang Pilipinas bilang producer ng high-value technology sa tulong ng Pax Silica – DTI

87
Views

[post_view_count]

Aerial shot of proposed 1,620-hectare New Clark City development in Capas, Tarlac. (File photo of BCDA)



Hindi lang dapat makilala ang Pilipinas bilang taga-supply ng mga hilaw na mga produkto.

Ito ang layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa likod ng pinaplanong Pax Silica sa New Clark City ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

“Ang talagang vision dito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay hindi lamang maging taga-supply tayo ng mga hilaw na materyales kundi maging aktibong bahagi ng mga industriyang bumubuo ng mga teknolohiyang makakapagpatakbo sa ekonomiya sa hinaharap,” saad ni DTI Undersecretary Ferry Rodolfo.

Ayon sa opisyal, hindi isang data center ang Pax Silica kundi mga pabrika para sa paggawa ng mga equipment na ginagamit sa mga data center.

Kabilang sa mga target na industriya nito ang semiconductor assembly, advanced packaging at electronics manufacturing.

Ipinaliwanag ni Rodolfo na sa pamamagitan ng proyekto, target ng pamahalaan na mapataas ang value ng mga produktong ginagawa at ine-export ng bansa.

Sa halip na hilaw na materyales lamang ang ikalakal, pinaplano ng pamahalaan na lumikha ng mas maraming processed products at high-value components sa bansa.

Nilinaw naman ng opisyal na hindi lamang imprastraktura ang naging batayan sa pagpili sa New Clark City bilang lokasyon. Aniya, matatagpuan dito ang mga institusyon na makatutulong sa human capital development.

Kabilang dito ang extension office ng University of the Philippines, Philippine Science High School center, at mga planong campus ng Technological University of the Philippines at Polytechnic University of the Philippines.

Kinilala ng opisyal ang posibleng epekto ng proyekto sa mga magsasaka, Aeta, at iba pang settler sa lugar.

Sinabi niyang inaasahan ng pamahalaan na ang mga developer at investor na papasok sa lugar ay maglalaan ng sarili nilang pangunahing resources upang hindi maapektuhan ang suplay na ginagamit ng mga kalapit na komunidad.

Ang 1,620 ektarya ng New Clark City ay inilaan na bilang industrial economic zone at mayroon itong masterplan at environmental compliance certificate.

Gayunman, napag-alaman ng pamahalaan na may mga settler pa rin sa lugar kahit ito ay titulado.

Tiniyak ni Rodolfo na kokonsultahin ang mga maaapektuhan at bibigyan sila ng makatarungang relokasyon na malapit sa 1,620-hectare area ng dating tinitirhan.

Sa kasalukuyan, umaasa ang pamahalaan na tuluyang mapipirmahan sa Nobyembre ang framework deal sa United States para sa planong Pax Silica. VC