
Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang implementasyon ng School-Based Feeding Program (SBFP) sa Sta. Barbara Central School at ang operasyon ng Nutridense Food Manufacturing Corporation (NFMC) sa Pangasinan ngayong Huwebes, Setyembre 17.
Ang kanyang pagbisita sa lalawigan ay bahagi ng pagtitiyak ng Pangulo sa nutrisyon at serbisyong-pangkalusugan para sa mga Pangasinense
Nagsimula ang NFMC bilang isang micro, small, and medium enterprise (MSME) bago lumaki at gumamit ng mas makabagong teknolohiya sa paggawa ng mga pagkaing mayaman sa nutrisyon.
Kabilang sa mga programang nakatulong sa pag-unlad ng kumpanya ang Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) ng Department of Science and Technology (DOST), gayundin ang commercialization ng mga food technology na binuo ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI).
Habang nasa Pangasinan, sinaksihan niya ang pagpapatupad ng Yaman ng Kalusugan (YAKAP) Caravan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Sta. Barbara Central School.
Nagbigay ang caravan ng iba’t ibang serbisyong pangkalusugan, kabilang ang pagpaparehistro sa PhilHealth, pagkuha at pag-update ng impormasyon para sa PhilHealth ID, medical at dental checkup, health orientation, at pamamahagi ng mga bitamina at gamot.
Tinatayang 200 mag-aaral, magulang, at guro ang nakinabang sa health caravan.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos Jr. ang maayos na implementasyon ng feeding program sa Sta. Barbara Central School.
Sa ilalim ng programa, 50 mag-aaral mula Grade 2-Grade 6 na kabilang sa mga severely wasted at malnourished ang tumanggap ng mainit na pagkain.
Sa buong Pangasinan, ipinatutupad ang SBFP sa 552 pampublikong paaralan upang makatulong sa pagtugon sa malnutrisyon at pagsuporta sa pagkatuto at kalusugan ng mga mag-aaral.
Sinilip din ng Pangulo ang Elpidio M. Balolong Science Room, kung saan nag-obserba siya ng klase at nakipag-usap sa mga mag-aaral.
Bilang bahagi ng aktibidad, ipinamahagi rin sa mga mag-aaral ang 1,194 school bags mula sa Office of the President. – VC











