IBCTV13
www.ibctv13.com

PEMEDES drivers sa labas ng Metro Manila, nagsimula nang tumanggap ng P5,000 mula DSWD

Kristel Isidro
88
Views

[post_view_count]

(Photo courtesy of DSWD)

Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng tig-P5,000 cash relief assistance (CRA) para sa mga Private Express and/or Messengerial Delivery Service (PEMEDES) drivers sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ngayong Miyerkules, Mayo 27.

Ayon kay DSWD spokesperson and Asst. Secretary Irene Dumlao, target na mabigyan ng ayuda ang mahigit 150,000 PEMEDES drivers sa labas ng Metro Manila upang makatulong sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan sa gitna ng hamon sa presyo ng langis.

Kabilang sa mga rehiyon kung saan isasagawa ang payout activities ang: Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, at SOCCSKSARGEN.

Giit ni Dumlao, sisiguraduhin ng DSWD ang maayos na pamamahagi ng ayuda, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyan ng suporta ang lahat ng apektadong drayber sa pagtaas ng presyo ng langis.

Kabilang sa mga inaasahang makakatanggap ng ayuda ang mga regional PEMEDES drivers mula sa mga sumusunod na kumpanya: LBC Express, Grab Express, Fastrak Services Inc., Global Jet Cargo Philippines Inc., J&J Dynamic, Express Speed Riders Inc., at Lalamove Technology Philippines.

Kasabay namang isasagawa ang special payout para sa mga jeepney, tricycle, transport network vehicle service, motorcycle taxi drivers, at service delivery riders sa Metro Manila.

Ipinatutupad ng DSWD ang CRA sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program, na nagsisilbing social safety net para sa mga indibidwal at pamilyang nakararanas ng hindi inaasahang krisis.

Bahagi rin ito ng ambag ng DSWD sa Unified Package of Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) framework ng pamahalaan para sa mga sektor na labis na naapektuhan ng krisis sa Middle East, kabilang ang sektor ng pampublikong transportasyon. – VC