
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higit na napalakas ng Pilipinas ang pagkakaisa at kooperasyon ng mga kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa ilalim ng pamumuno nito bilang chair ngayong 2026.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na isinulong ng Pilipinas ang mas malapit na pagtutulungan ng 11 kasaping estado upang sama-samang matugunan ang mga hamong panrehiyon at pandaigdig, kabilang ang nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.
“Together, we found ways to alleviate the dire consequences of the war in the Middle East. Through a united ASEAN and its strong extended network, we have achieved greater security and resilience—as a region and as individual nations— more capable of withstanding disruptive events,” ani Pangulo.
Kabilang sa mga pangunahing bunga ng chairship ng Pilipinas na binanggit ng Pangulo ang pagpapalakas ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve System, na layong tiyakin ang sapat na suplay ng bigas sa panahon ng kakulangan sa lokal na produksyon.
Ibinida rin ng Pangulo ang pangunguna ng Pilipinas sa ASEAN Digital Economy Framework, na naglalayong pag-isahin ang mga patakaran sa digital economy sa rehiyon, palawakin ang cross-border digital transactions, isulong ang inobasyon, at mapataas ang financial inclusion, lalo na para sa maliliit na negosyo.
Iniulat naman ng Pangulo ang ratipikasyon ng Framework Agreement on Petroleum Security, na magbibigay-daan sa joint stockpiling ng suplay ng petrolyo upang mapalakas ang energy security ng ASEAN.
Dagdag pa niya, ang ganap na pagkakakonekta ng mga power grid ng Luzon, Visayas, at Mindanao ay magpapalakas sa kakayahan ng Pilipinas na suportahan ang pagpapatupad ng ASEAN Power Grid.
“This is international ‘bayanihan’ for this part of the world, to all parties for a heightened sense of community, to return to the table armed with a genuine desire for peace and normility, true diplomacy builds, violent conflict only destroys,” ani Pangulo.
Sa ilalim ng temang “Navigating Our Future, Together,” pinamumunuan ng Pilipinas ang ASEAN ngayong taon na nakatuon sa pagpapalakas ng seguridad at kooperasyon ng mga kasaping estado. – VC











