
Simula Setyembre 18, maaari nang makinabang sa mga benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga pasyenteng na-admit bilang inpatient kahit wala pang 24 oras ang kanilang pananatili sa ospital.
Ang bagong polisiya sa ilalim ng PhilHealth Circular No. 2026-0013 ay inaalis ang dating 24-hour admission requirement para maging kwalipikado sa mga benepisyo.
Kabilang sa sakop ng bagong polisiya ang mga pasyenteng namatay habang naka-confine nang wala pang 24 oras.
Sakop din nito ang mga pasyenteng inilipat sa ibang ospital o healthcare facility kung kinakailangan ang pagpapatuloy ng kanilang gamutan bago makumpleto ang 24-oras na admission period.
Para sa mga miyembrong naka-admit sa ward, ipatutupad ang No Balance Billing (NBB) policy.
Sa ilalim nito, hindi dapat singilin ng karagdagang bayarin ang mga kwalipikadong miyembro para sa mga serbisyong-medikal, gamot o kagamitan na sakop ng PhilHealth.
Gayunman, pinapayuhan ang mga miyembro na makipag-ugnayan muna sa kanilang ospital o sa PhilHealth upang makumpirma kung kwalipikado ang kanilang admission sa ilalim ng bagong polisiya. – VC











