
Target ng Pilipinas at European Union (EU) na lagdaan sa 2027 ang kanilang free trade agreement (FTA) matapos makamit ng dalawang panig ang “substantial agreement” sa mahahalagang bahagi ng kasunduan.
Ayon sa European Commission, inaasahan ni Commission President Ursula von der Leyen na bumalik sa Pilipinas sa susunod na taon para sa paglagda ng kasunduan.
Pinatatapos na ng dalawang panig sa kani-kanilang negotiating teams ang natitirang detalye ng kasunduan sa mga susunod na buwan.
Tinalakay nina von der Leyen at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kasunduan sa isang call nitong Lunes, Setyembre 21.
Tatlong taon ito matapos nilang mapagkasunduan sa Maynila na ipagpatuloy ang negosasyon para sa trade deal.
Sa hiwalay na joint statement, inanunsyo nina Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ma. Cristina Roque at EU Trade Commissioner Maroš Šefčovič ang tinawag nilang “breakthrough” sa negosasyon kasunod ng isang video call.
Sinabi ng dalawang panig na malapit na sa pormal na pagsasapinal ang negosasyon at inaasahang matatapos ang mga natitirang usapin sa mga darating na buwan.
Inaasahang magbubukas ang kasunduan ng mas maraming oportunidad para sa mga negosyo, kabilang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs), gayundin sa mga magsasaka, manufacturer at consumer.
Susuportahan ng FTA ang pagpapalawak ng supply chains at magtatakda ng mas malinaw na mga patakaran para sa kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at EU.
Kung matuloy ang paglagda sa 2027, sasabay ito sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng ugnayan sa pagitan ng EU at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). – VC











