
Patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang mga hakbang para mapagaan ang epekto ng pagtaas ng inflation rate sa bansa dulot ng tensyon sa Middle East, ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).
Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, pinaiigting ang targeted interventions gaya ng pagpigil sa pagtaas ng presyo ng pagkain, enerhiya, at transportasyon habang pinananatili ang sapat na suplay ng mga ito.
Kasama rin sa patuloy na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) bilang komprehensibo at pangkalahatang tugon sa mga kinahaharap na hamon sa bansa.
Sa ilalim ng UPLIFT, iba’t ibang hakbang at inisyatiba ang inilulunsad ng mga ahensya ng gobyerno kabilang na ang pagsisikap ng Department of Energy (DOE) sa paghahanap ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya.
Pinapaunlad din ang lokal na kapasidad ng bansa na magkaroon ng matatag na suplay ng langis.
Sa bisa rin ng nasabing balangkas, ipinatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Service Contracting Program bilang suporta sa operators at drivers sa pamamagitan ng pagbibigay diskwento sa pamasahe at per-trip subsidies.
Hindi rin pahuhuli ang mas pinalawak na suporta sa mga magsasaka at mangingisda kabilang na ang suspensyon sa loan repayments ng Department of Agriculture (DA), lower-cost fertilization protocol, at pagpapadali sa ugnayan ng mga konsyumer sa mga magsasaka at producers sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo sites.
Walang patid ang Marcos Jr. admin sa pagpapatuloy ng mga nabanggit na inisyatiba at mga hakbang sa gitna ng pagtaas ng inflation rate sa bansa na pumalo sa 7.2% para sa buwan ng Abril, dulot ng epekto ng nagpapatuloy na sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Pagtitiyak ng DepDev, prayoridad nilang siguruhing matatag ang suplay ng langis na nakaaapekto sa maraming sektor at panatilihin ang abot-kayang presyo nito sa kabila ng mga pandaigdigang hamon. – MP











