
Binuksan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kanilang E-Transport Loan program para sa mga Transport Network Vehicle Services (TNVS) upang tulungan sila na makalipat sa paggamit ng electric vehicles (EVs) sa harap ng hamon sa langis sa bansa.
May kabuuang P2 bilyong pondo, maaaring umutang ang mga benepisyaryo ng hanggang P1.5 milyon kada sasakyan sa pamamagitan ng SBCorp Money App, na may hanggang P3 milyon na loan limit kada borrower.
Ang loan ay maaaring bayaran sa loob ng limang taon, na may kasamang palugit na hanggang isang taon sa pagbabayad ng parehong principal at interes.
Upang maging kwalipikado, kinakailangang kabilang sa transport network company (TNC) tulad ng Grab Philippines, Joyride Philippines, o inDrive Philippines.
Ang aplikante ay dapat may hawak na valid at current LTFRB authority, kabilang ang Certificate of Public Convenience (CPC), Provisional Authority (PA), o katumbas na permit para sa unit na popondohan.
Kinakailangang rehistrado rin bilang sole proprietor, partnership, o korporasyon kasama ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng DTI o SEC, at may kaukulang business permit kung naaangkop.
Ang TNVS drivers ay dapat magsumite ng sertipikasyon o statement of account mula sa TNC na nagpapatunay ng active status at historical volume ng biyahe.
Driver-operator o fleet operator ang direktang mangungutang at may obligasyon sa loan, at hindi maaaring maging borrower ang mga TNC.
Ayon sa DTI, sisimulan ang loan sa TNVS drivers bago buksan sa iba pang public utility vehicle gaya ng mga taxis, bus, jeepneys, at kahit motorcycles.
Bahagi ang programa ng mas pinalawak na pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang kalagayan ng sektor ng transportasyon, sa gitna ng mga epekto ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East. – VC











